Default Thumbnail

Pagdiriwang ng kapistahan, nabahiran ng karahasan

May 2, 2023 Edd Reyes 278 views

NABAHIRAN ng karahasan ang masayang pagdiriwang ng kapistahan nang patron ng Senyor De Longos nang magwala diumano at manghataw ng bote ng isa sa mga bisita ang diumano’y lasing na lalaki, Martes ng madaling araw sa Malabon City.

Kaagad isinugod sa Tondo General Hospital ang biktima, 26, residente ng Barangay North Bay Boulevard South (NBBS), Navotas City makaraang magtamo ng sugat sa ulo habang nadakip naman kaagad nina Pat. Alexis Canizares at Pat. Ralf Dandy Rosalin ng Malabon Police Sub-Station-5 ang suspek, 30, binata, walang hanapbuhay, at residente ng Bgy. Longos, Malabon City.

Lumabas sa imbestigasyon nina P/SSgt. Bengie Nalogoc at P/Cpl. Rocky Pagindas ng Malabon Police Station Investigation Unit na kabilang ang biktima sa mga bisita na nag-iinuman sa harapan ng bahay ng isang 28-anyos na babae, sa Bgy. Longos bilang selebrasyon sa kapistahan ng kanilang patron, Lunes ng gabi.

Dakong alas-12:45 na ng madaling araw ng Martes nang biglang sumulpot ang suspek na may hawak basyo ng bote ng alak at bigla na lamang inihataw sa ulo ng biktima, bago naglakad palayo na tila walang nangyari.

Sa kabila ng tinamong sugat, nakahingi pa rin ng tulong ang biktima sa nagpapatrolyang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 na nagsagawa ng follow-up operation habang isinugod naman sa pagamutan ang biktima.

Kasong tangkang pagpatay ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE