Salvador

Pagbenta ng murang bigas pinag-aaralan sa San Jose City

September 15, 2023 Steve A. Gosuico 296 views

LUNGSOD NG SAN JOSE–Tinitingnan ng pamahalaang lungsod ng lugar na ito ang posibilidad na makabili ng bigas at ibenta sa mga residente ng may subsidy sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bigas.

Inatasan na ni City Mayor Mario “Kokoy” Salvador ang kanyang city legal counsel na magsagawa ng pagaaral at pagsusuri kung legal ba at posibleng gawin ang ideya niyang ito.

“Wala pang sagot ang city legal counsel natin kung puwede itong gawin ng LGU. Siyempre titingnan natin kung may basihan ito at hindi tayo makakasuhan,” sagot ni Salvador sa Journal Group.

Aniya, hindi pa ito nasusubukan ng kahit sinong lokal na pamahalaan kaya wala pang ideya kung pwede ito.

“Bigas ang bibilhin namin, halimbawa P48 per kilo ang bili namin, ibebenta namin ito ng P43 sa presyo na subsidized na ng LGU ng mas mababa ng P5 bawat kilo.

At hanggang tatlong kilo naman ang puwedeng bilhin lang ng mahihirap nating pamilya,” paliwanag ng alkalde. Matunog na sasabak sa pagka-kongresista sa ikalawang distrito ng lalawigan sa susunod na halalan ang alkalde.

Dahil sa “law of supply and demand,” binanggit ni Salvador na tuluyang bababa sa lokal na merkado sa darating na panahon ng anihan nitong Oktubre sa susunod na buwan ang presyo ng bigas.

Hinimok din ng alkalde ang mga lokal na retailer ng bigas na ibenta ang kanilang mga stock bilang pagsunod sa utos ni Pangulong Marcos.

“Kung hindi kaya ng puwesto (rice retailers) magsasara sila eh saan sila kukuha ng pangkain,” sabi ni Salvador na rice trading din ang negosyo.

Mahigit sa 30 rice mill na nagbebenta ng bigas sa mga pangunahing retailer sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ang Nueva Ecija.

AUTHOR PROFILE