
Pagbati sa mabilis na aksiyon ni PRO-3 Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr.
KUDOS kay Police Regional Office 3 Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr. sa mabilis na aksiyon sa reklamo ng mga taga-Orani, Bataan hinggil sa ilegal na aktibidad na nagaganap sa town proper ng naturang bayan.
Ipinahuli kasi ni Gen. Hidalgo sa kanyang mga tauhan ang inilatag na mga mesa ng ilegal na sugal ng isang alyas “Noemi” ilang araw bago pa man magsimulang bumangon sa trahedya ng kalamidad na dulot ng magkasunod na bagyo ang mga residente sa lugar.
Isa raw kasing parak at kanyang sidekick ang nagpahintulot sa mga operator na magbukas na ng ilegal na mesa ng sugal, hindi lang sa Orani, kundi sa mga town proper ng Limay, Abucay at Samal ng mga nagtatago sa alyas Rose, Marlon at Sammy.
Tiyak na namumuro na rin kay Gen. Hidalgo ang palihim na paglalagay din ng pergalan sa town proper naman ng Concepcion, San Roque, at Capas sa lalawigan ng Tarlac.
Navotas tumanggap muli ng 28 bagong scholars
MULING tumanggap ng 28 benepisyaryo ng NavotaAs Academic Scholarship si Mayor John Rey Tiangco para sa school year 2023-2024 bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaang lungsod na mabigyan ng wastong edukasyon ang mga kabataan.
Bukod sa 15 high school freshmen at 11 college freshmen, dalawa pang guro na naghahangad ng mas mataas na edukasyon ang napabilang sa mga iskolar matapos pumasa sa pagsusulit.
Naniniwala si Mayor Tiangco na nararapat lamang na mabigyan ng mataas na kalidad na edukasyon sa mga karapat-dapat na estudyante nang hindi na kailangan pang problemahin ang suportang pinansiyal.
Tatanggap kasi ng P18,000 kada taong panuruan ang mga iskor sa high school, P22,000 naman sa mga iskolar ng Navotas Polytechnic College bilang panggastos nila sa aklat, pasahe at pagkain habang ang mga iskolar sa iba pang Pamantasan ay tatanggap ng P262,000. Ang mga guro naman ay pagkakalooban ng P75,000 kada taong panuruan para sa kanilang matrikula, aklat, pasahe, pagkain at pananaliksik.
Silver TB Award, nakamit ng Navotas
NAKAMIT ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang parangal na pilak sa taunang Race to End TB Awards ng Department of Health (DOH) kaugnay sa pagtukoy at paggamot sa sakit na Tuberculosis.
Tinanggap ni Vice Mayor Tito Sanchez ang plake nito lang Agosto 15 sa Crowne
Plaza Manila Galleria nang umabot sa 93.9% ang natukoy na may sakit na TB sa lungsod.
Pinasalamatan naman ni Mayor John Rey Tiangco ang mga health workers na nagsikap upang tuntunin sa kani-kanilang tirahan ang mga TB patients upang mabigyan ng wastong pangangalaga at gamot.
Hinimok ni Mayor Tiangco ang mga Navoteño na samahan silang labanan ang TB na bagama’t nakakahawa ay nagagamot naman lalu na’t libre ang pagpapagamot sa kanilang limang accredited TB-DOTS centers.
Nagsimulang bigyan ng tulong pangkabuhayan noong taong 2020 ng Navotas City TB Control Program ang mga pasyenteng nakakumpleto ng 6 hanggang 8 buwang gamutan habang noong nakaraang taon, 583 na Navoteños naman ang tumanggap ng tig-P3,000 tulong pinansiyal.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]