
Pagbabalik ng ‘It’s Showtime,’ nag-trending
Kinasabikan at pinag-usapan ng netizens ang naging pasabog na opening number na hinanda ng pamilya ng “It’s Showtime,” sa pamumuno ni Vice Ganda, sa kanilang pagbabalik kaya naman nanguna ito sa X (dating Twitter) ngayong araw.
Puno ng energy nga ang bungad nina Anne Curtis, Kim Chiu, Ogie Alcasid, Amy Perez, Karylle, Ion Perez, Ryan Bang, Teddy Corpuz, Jackie Gonzaga at Cianne Dominguez na ikinasaya ng madlang people.
Nagpasalamat din ang hosts sa bumubuo ng “It’s Your Lucky Day” sa paghahatid nito ng ligaya sa viewers sa nakalipas na 12 araw.
Agad din naman ibinahagi ni Vice na ginamit nila ang kanilang pahinga para paghandaan ang nalalapit na “Magpasikat” at ang sopresa nila sa kanilang ika-14 anibersaryo.
Bukod sa opening number, kinoronahan din ang bagong “Mini Ms. U” grand winner na si Arianah Lasam matapos niyang pukawin ang loob ng mga hurado sa taglay niyang kumpiyansa at nag-uumapaw na cuteness sa Mini Ms. U:The Cutest Finale.
Nakuha nga niya ang pinakamataas na total average score mula sa hurados na sina Niño Muhlach, Janice de Belen, Gladys Reyes, Snooky Serna at Maricel Soriano.
Bilang grand champion, nag-uwi si Arianah ng P300,000, isang exclusive management contract mula sa Polaris ng Star Magic at trip for four sa Hong Kong Disneyland, three days at two nights, kasama ang accommodation at airfare.
Nagbigay din ng special awards ang naturang segment kabilang ang Mini Ms. Talent at Mini Ms. Cutieful Smile para kay Enicka, at Mini Ms. Friendship para kay Eury.
Ang iba namang finalists na nakaabot sa Top 13 ng kompetisyon ay sina Audrei, Jewel, Alycia, Scarlet, Oliviann,Grandice, Reign, Quinn, Rain at Briseis.
Samantala, inanunsyo rin ng “It’s Showtime” na mapapanood na sila sa panibagong timeslot simula Lunes, 11:30 a.m. Dapat ding abangan ng mga manonood ang bagong dance segment sa susunod na linggo.