
Pagbaba sa retirement age ng state workers sustainable dapat–Gatchalian
SINABI ni Sen. Sherwin Gatchalian na kailangang pag-aralan mabuti kung paano gawing sustainable ang panukalang batas na magpapababa sa compulsory at optional retirement age ng mga empleyado ng gobyerno, lalo na’t maraming sumusuporta dito.
“Mukhang lahat sumusuporta sa panukalang bawasan ang mandatory at compulsory retirement age ng mga nagtatrabaho sa gobyerno,” sabi ni Gatchalian sa isang pagdinig sa Senado.
“Magdedepende ang pagiging sustainable ng pension sa pagkalkula ng buhay ng pondo. Kung nais nating mapanatili ang buhay ng pondo, dapat malaman kung magkano ang ibibigay na subsidiya ng gobyerno bilang equity dahil hahantong ang naturang panukala sa mas maaga o mas malaking pagbabayad ng pension,” paliwanag ng senador.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education, sinabi ni Gatchalian na maraming mga guro sa pampublikong sektor ang humihiling ng mas maagang pagreretiro sa serbisyo.
Sa pagdinig ng Senado, hiniling din ni Gatchalian sa Civil Service Commission (CSC) na pag-aralan ang mga pension system sa iba’t ibang bansa at tukuyin ang mga best practices.
“Kailangan nating alamin ang mga best practices sa ibang bansa pagdating sa pagreretiro ng mga kawani ng gobyerno upang magkaroon tayo ng ideya kung paano ito ipinapatupad sa ibang mga hurisdiksyon.
Nagbabago kasi ang mga trend, tulad halimbawa ng life expectancy, na maaaring makaapekto sa pension scheme kaya dapat pag-aralan nang maigi,” sabi niya.
Nauna nang inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 944 na naglalayong amyendahan ang Republic Act 8291 o ang Government Service Insurance Act of 1997 para ibaba ang compulsory retirement age ng mga empleyado ng gobyerno mula 65 hanggang 60 at optional retirement age mula 60 hanggang 55. Inaprubahan na sa Mababang Kapulungan noong Enero ng taon ang panukala.