Lacson

Pagbaba sa Alert Level I ng Metro Manila, suportado nina Ping, Dr. Padilla

February 24, 2022 People's Tonight 528 views

SUPORTADO nina Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson at senatorial candidate Dr. Minguita Padilla ang posibleng pagbaba sa Alert Level 1 ng Metro Manila kasunod ng patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa alinsunod sa rekomendasyon ng mga pinuno ng lokal na pamahalaan sa rehiyon.

Sa isang panayam sa DZRH Huwebes ng umaga, sang-ayon si Lacson sa panukalang luwagan ang paghihigpit ng mga awtoridad kaugnay sa pandemya sa mga susunod na linggo basta naaayon ito sa siyentipikong pag-aaral at ebalwasyon ng mga eksperto.

“Basta science-based ay walang problema… Alam mo, siyensya ang pangunahing nasusunod dito e. Kung sa pag-aakala ng mga health expert natin ay sapat na ‘yung, ika nga, ‘yung suporta ng siyensya tungkol sa pagbaba ng alert level papuntang 1 ay suportado tayo lahat diyan,” ayon kay Lacson.

Sinegundahan ito ni Dr. Padilla na resident public health expert ng Partido Reporma dahil aniya natamo na ng Metro Manila ang sapat na bilang ng populasyon na protektado na ng bakuna laban sa COVID-19. Subalit iminumungkahi pa rin niya ang pagsusuot ng face masks ng publiko tuwing lalabas ng bahay at makikisalamuha sa ibang mga tao.

“Yes, I am in favor of the shift to Alert Level I in Metro Manila, which has already achieved beyond the target immunity level to already lessen alert levels. This immunity is from both the high vaccination rate and natural immunity from recovered infections,” sinabi ni Dr. Padilla sa isang text message.

Ayon kina Lacson at Dr. Padilla, napapanahon na rin para sa mga awtoridad na unti-unting ibalik sa normal ang sitwasyon matapos ang dalawang taong pakikipagbuno sa pandemya upang manumbalik ang sigla ng ekonomiya sa bansa.

Binanggit ni Lacson na hindi maaaring hayaan na magpatuloy ang mahigpit na mga lockdown dahil sa taya ng National Economic Development Authority (NEDA) ay aabot sa P11-bilyon ang nawawala sa ating ekonomiya kada linggo dulot ng pagsasara ng ilang mga negosyo dahil sa pandemya.

Inihayag din ni Dr. Padilla na dapat isaalang-alang ang kapakanan ng mga nasa sektor ng micro, small at medium enterprises (MSMEs) gayundin ang mga nasa edukasyon na lubhang naapektuhan sa mga mahihigpit na stay-at-home orders ng lokal at pambansang pamahalaan dahil sa banta ng COVID-19.

“We need to restart the economy ASAP (as soon as possible), especially for the MSMEs that have suffered so much. It is also important to shift to the lower alert level and shift to more face-to-face classes,” ayon kay Dr. Padilla na isang oftalmologo at lisensyadong manggagamot.

Binigyang-diin ni Lacson na wala dapat ‘trade off’ sa usapin ng kalusugan at ekonomiya kung kaya umaasa siya na magkakasundo ang ating mga public health expert at mga economic manager sa mga polisiya kaugnay sa umiiral na banta ng pandemya sa mga susunod na linggo.

Samantala, muli namang nanawagan si Dr. Padilla sa ilang mga nagpapakalat pa rin ng maling balita at impormasyon hinggil sa mga bakuna laban sa COVID-19 na tigilan na ang mga ito dahil hindi sila nakakatulong sa publiko.

“The anti-vaccine rhetoric should stop because the goal is to vaccinate as many people as fast as possible around the Philippines, so that we can shift to pandemic exit mode sooner rather than later,” paliwanag ni Dr. Padilla.

Ayon sa ulat ng Reuters base sa opisyal na datos ng Department of Health (DOH), tinatayang nasa 62.1 porsyento na ng mga Pilipino ang tumanggap ng halos 134,332,014 doses ng bakuna laban sa COVID-19.

Naisumite na ng Metro Manila Council sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang mungkahing ilagay na sa Alert Level 1 ang kalakhang Maynila simula Marso 1. Wala pang pormal na desisyon ang pambansang pamahalaan kaugnay dito.

AUTHOR PROFILE