
Pag-aresto sa Pinatubo Aetas di labag sa batas
CAMP OLIVAS, City of San Fernando–Kinumpirma ng Police Regional Office (PRO)-3 na ilang Aeta ang inaresto noong Abril 18 dahil sa pagpoprotesta sa Mount Pinatubo crater sa Capas, Tarlac.
Ang mga pag-aresto ay batay sa mga ‘di-umano’y paglabag sa mga lokal na ordinansa at pambansang batas, kabilang ang pagharang sa pampublikong daanan at hindi awtorisadong pagpasok sa isang lugar na protektado ang kapaligiran.
Ang insidente ay nakakuha ng pansin ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na nag-udyok sa PRO-3 na tiyakin na ang kaso hinahawakan ng may transparency, paggalang sa mga karapatang pangkultura at pagsunod sa angkop na proseso.
Ayon sa Capas police, ang mga pag-aresto ay isinagawa alinsunod sa mga pamamaraan ng operasyon ng pulisya at tinitiyak na protektado ang mga karapatan ng mga inaresto.
“Ang lahat ng aksyon na isinagawa ng ating mga tauhan alinsunod sa umiiral na batas, kabilang na ang Indigenous Peoples’ Rights Act (RA 8371) at mga patnubay ng PNP hinggil sa makataong pagtrato sa mga nasa kustodiya,” pahayag ni PRO-3 director Brig. Gen. Jean Fajardo.
Sinusuri ng PRO-3 ang insidente at kino-compile lahat ng kaugnay na mga ulat at dokumento para makapagbigay ng tumpak na balita ukol dito.
Ang NCIP at iba pang stakeholders aanyayahan sa isang diyalogo upang tugunan ang kanilang agam-agam sa isyu para sa isang makabuluhang solusyon.
Ang PRO-3 magpapatupad din ng mga programa sa community immersion at magsasagawa ng refresher training para sa mga tauhan nito sa pamamagitan ng Regional Community Affairs and Development Division (RCADD) upang palakasin ang pakikipag-ugnayan at cultural sensitivity sa pakikitungo sa mga katutubong komunidad.