Gil Bugaoisan

Pag-amyenda sa Saligang Batas

February 8, 2024 Gil Bugaoisan 533 views

SA takot na tukuyan na ngang makapon ang Senado sa oras na magtagumpay ang People’s Initiative at maisalatuparan ang Charter change ay bumigay na rin si Senate President Juan Miguel Zubiri upang kumilos ang Senado upang ma-amyendahan ang Saligang Batas.

Pinangunahan ni Zubiri ang paghahain ng Resolution of Both Houses No. 6, na nananawagan para sa pag-amyenda sa mga economic provisions ng 1987 Constitution sa pamamagitan ng isang constituent assembly.

Upang mapabilis ang proseso ay inihayag ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na susundin na lamang ng House of Representatives ang bersyon ng Senado. Matagal na kasing ipinaglalaban mg House ang Charter change ngunit laging dead-on-arrival ito pagdating sa Senado.

Sa loob ng napakahabang panahon ay palaging hadlang ang Senado sa pagsisikap na itama ang mga kritikal na butas sa Konstitusyon, kabilang na ang mga nagiging hadlang upang pumasok ang maraming foreign direct investments. Sa Pilipinas lamang nakapaloob sa Konstitusyon ang mga patakaran sa ekonomiya, kabilang ang pagmamay-ari sa mga pamumuhunang may mataas na kapital.

Ang mga bansang tulad ng Singapore, Thailand, Vietnam, at Indonesia ay pinahintulutan ang 100 porsyentong pagmamay-ari sa ilang industriya ngunit nagpanatili ng ilang antas ng mga paghihigpit sa iba. Sa halip na ilagay sa Saligang Batas ang kanilang mga pangunahing economic policies, ang mga ito ay nakatakda sa kanilang mga pangkaraniwang mga batas na maari nilang baguhin batay sa umiiral na kalagayan ng ekonomiya.

Sa gitna ng globalisasyon at mabilis na pag-unlad ng teknolohiya sa paraan ng ating pagpapatakbo ng mga negosyo ay lalong tumindi ang pangangailangan upang baguhin ang Saligang Batas.

Bagama’t ang pangunahing layunin ng paghihigpit sa equity requirement sa Saligang Batas para sa mga negosyo ay upang maproteksyonan ang pambansang interes at itaguyod ang lokal na entrepreneurship, kinakailangang tanggapin natin na ito ay hindi na angkop dahim sa konteksto ng globalisasyon at sa pangangailangan ng mas mataas na pamumuhunan mula sa ibang bansa. Kapag maraminh puhunan ay maraming trabaho at kapag maraming trabaho ay uunlad ang mamamayang Pilipino.

Ang Konstitusyon ay isang buhay na dokumento na nilalayong sumalamin sa mga halaga at adhikain ng kanyang mga tao. Habang umuunlad ang lipunan, dapat ding umunlad ang mga batayang batas nito upang tiyakin na nananatili silang may kaugnayan at inklusibo. Ang pag-amyenda sa Konstitusyon upang tugunan ang mga kasalukuyang isyung panlipunan, tulad ng pagkakapantay-pantay ng kasarian, karapatan ng mga katutubo, at proteksyon sa kapaligiran, ay maaaring magpatibay sa pangako sa isang makatarungan at makata ong lipunan.

Naiintindihan natin na ang pag-amyenda sa Konstitusyon ay hindi madali at ito ay nangangailangan ng isang komprehensibo at inklusibong proseso gaya ng malawakang konsultasyong publiko, masusing debate, at pagbuo ng konsensus sa iba’t ibang stakeholder ng bansa. Kailangang tiyakin na ang anumang mga pagbabago ay sumasalamin sa kolektibong kalooban at adhikain ng mga Pilipino, na nagtataguyod ng isang mas makatarungan, pantay-pantay, at masaganang lipunan.

Malinaw na kailangan nating amyendahan ang 1987 Constitution kung nais nating makasabay sa nagbabagong economic landscape. Huwag na sana natin pairalin ang walang katapusang palusot upang muling mapigilan ang pagbabago sa ating Saligang Batas. Ni Gil Bugaoisan

AUTHOR PROFILE