
Pag-aartista malaking tulong sa kandidatura ni Abalos
HINDI na lang basta public servant o politiko ang tingin ng publiko kay dating Interior and Local Government secretary at Alyansa para sa Bagong Pilipinas senatorial candidate Benhur Abalos Jr. dahil pamilyar na rin sila sa pagiging occasional artista nito.
Nagsimula nga ang kanyang “unplanned showbiz career” nang lumabas sa cameo roles sa Kapuso series na “Black Rider” ni Ruru Madrid at “Lilet Matias: Attorney-At-Law” ni Jo Berry nu’ng nakaraang taon.
Kung sa “Black Rider” ay action hero na nakikipagbaragan sa sindikato’t masasamang tao ang peg ni Abalos, sa “Lilet Matias: Attorney-At –Law,” nagbabahagi naman siya sa ordinaryong mamamayan ng kaalaman sa batas.
Hindi pa doon nahinto ang pag-aartista ni Abalos dahil kamakailan lamang ay muli siyang napanood sa bagong GMA-7 series na “Mga Batang Riles,” na pinagbibidahan naman ni Miguel Tanfelix.
Obserbasyon ng marami, malaking tulong ang naging paglabas-labas ni Abalos sa telebisyon sa kandidatura niya bilang senador sa May elections.
Sa recent survey na ginawa ng Centre for Student Initiatives (CSI), isang independent, youth-led institution na focused sa research for development-oriented solutions sa education at youth participation in governance, isa si Abalos sa mga lumabas sa “Magic 12” ng mga kabataan.
Nakakuha siya ng 26.92% sa online poll na isinagawa mula February 25 hanggang March 11, kung saan may 1,200 respondents mula sa student partner organizations nationwide (mula sa northern province ng Cagayan hanggang Lanao del Norte sa south).
Although may mga nagsasabing kasing popular na siya nina Sen. Bong Revilla at Sen. Lito Lapid, “hesitant actor” pa ring maituturing ang dating Mandaluyong mayor.
Sa isang prior interview sa showbiz media, inamin niya na okay naman ang naging acting experience niya dahil kadalasan ay “as himself” ang papel niya gaya ng pagiging DILG secretary.
Hirap lang siya sa paghihintay sa set.
“So, kung minsan, magsisimula ka nang maaga, matatapos ka, madaling-araw na. ‘Buti na lang may Eddie Garcia Law. Malaking bagay ang Eddie Garcia Law,” banggit niya.
Nang tanungin kung itutuloy pa ba niya ang pag-aartista sakaling manalo sa paparating na eleksyon, natawa lang si Abalos.
“Tignan natin kung papa’no. Unang-una, kailangan ko muna talagang manalo,” hirit niya.
Kung papalarin, balak umano niyang resolbahin ang problema sa film piracy.
“It should be addressed,” saad ni Abalos. “If you want the film industry to progress, importante ‘yan. You give incentives and at the same time, hulihin mo ‘yung mga dapat hulihin. ‘Yan ang priority ko talaga.”