
Pacquiao isusulong makatarungang pasahod
UPANG matulungan ang mga pamilyang Pilipino, suportado at isusulong ni senatorial candidate Manny Pacquiao ng pambansang umento na P200 sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ito ang inilatag na legislative agenda ni Pacquiao sa kanyang kampanya sa Tacloban na nakatuon sa makatarungang reporma sa pasahod at alternatibong modelo ng pamamahala na layuning maghatid ng tunay at pangmatagalang pagbabago sa karaniwang Pilipino.
Unang hakbang lang aniya ito sa isang mas malawak na plataporma upang tuldukan ang agwat sa pagitan ng paglago ng ekonomiya at kalidad ng buhay ng mga manggagawa. “Hindi pwedeng laging sagad ang manggagawa habang lumalaki ang kita ng malalaking kumpanya. Ang tunay na malasakit ay makikita sa sahod, hindi lang sa salita,” ani Pacquiao.
Bukod sa dagdag pasahod, kabilang din sa pangako ni Pacquiao na magtatag ng mga wage board sa antas ng probinsiya, magtakda ng cost-of-living adjustment s, at magbigay ng insentibo sa maliliit na negosyo na sumusunod sa makatarungang pasahod.
“Kailangan natin ng batas at pamamahalang marunong makinig at kumilos. Hindi lang pangako kundi batas na may puso para sa manggagawa. Iyan ang Bagong Pilipinas na ipaglalaban ko,” dagdag niya.
Iminungkahi rin ni Pacquiao ang pagbibigay ng tax breaks at access sa pautang para sa mga micro at small enterprises na nagbibigay ng sahod na mas mataas sa minimum at may maayos na benepisyo para sa mga empleyado na aniya at tatawaging “Pusong Palaban, Gawang Palaban”.
Ang paninindigan ni Pacquiao sa karapatan ng mga manggagawa ay base sa kaniyang sariling karanasan lalu’t sa edad na 14 ay lumuwas na siya ng Maynila, namuhay sa lansangan, nagtrabaho bilang construction worker, at tiniis ang gutom upang makapagpadala ng pera sa kanyang ina mula sa sahod na P106 kada araw.
Ang karanasang ito ang nagsisilbing dahilan sa kaniyang paninindigan para sa mga patakarang mag-aangat sa antas ng pamumuhay ng mga manggagawa.
Ang panawagan ni Manny Pacquiao para sa dagdag na P200 sahod ay hindi lamang pangako sa kampanya kundi tanda ito ng kanyang taos-pusong dedikasyon sa pagtatayo ng isang Bagong Pilipinas kung saan walang manggagawa ang maiiwan.