Abalos

P2.88B ayuda inilaan ni PBBM para sa habagat, bagyong Carina

July 24, 2024 Chona Yu 232 views

NAGLAAN na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng P2.88 bilyong halaga ng ayuda para sa mga naapektuhan ng Bagyong Carina at Habagat.

Ayon kay Pangulong Marcos, mayroong 4,500 personnel ang naka-standby para sa search, rescue, at retrieval operations.

Inatasan na rin ni Pangulong Marcos ang ibat ibang tanggapan ng pamahalaan na kumilos at tulungan ang mga naapektuhan ng bagyo at Habagat.

Nagpatawag din si Pangulong Marcos ng situation briefing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council sa Camp Aquinaldo, Quezon City para alamin ang sitwasyon at masigurong natutugunan ang pangangailangan ng mga apektadong residente.

Noong nakaraang linggo lamang, naglaan si Pangulong Marcos ng P43.15 milyong assistance sa 770,000 katao na naapektuhan ng Habagat sa Visayas at Mindanao.

Trabaho, klase sa NCR suspendido

Samantala, sinuspinde ng Palasyo ng Malakanyang ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno at klase sa lahat ng antas sa National Capital Region noong Miyerkules, Hulyo 24 dahil sa Bagyong Carina at Habagat.

Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, ginawa ang deklarasyon alinsunod sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Gayunpaman, ayon kay Bersamin, magpapatuloy ang operasyon at magbibigay ng kinakailangang serbisyo ang mga ahensya na may tungkulin sa pagbibigay ng pangunahing serbisyo at serbisyong pangkalusugan, at paghahanda o pagtugon sa mga sakuna at kalamidad.

Nakasalalay naman sa pagpapasya ng kani-kanilang management o pinuno ang pagsuspinde ng trabaho para sa mga pribadong kompanya.

AUTHOR PROFILE