Default Thumbnail

P1K ayuda sa ‘Bayanihan 3’ huwag naman

May 13, 2021 Paul M. Gutierrez 320 views

SA pananaw ng karamihan, wasto ang panawagan ni ex-Speaker Alan Peter Cayetano at kanyang mga kasamahan sa ‘Back to Service’ (BTS) sa Kongreso na “huwag” namang “baratin” ang mga Pinoy sa panukalang P1,000 (P1K) ‘cash assistance’ (“ayuda”) sa ilalim ng “hinihimay” ngayon na ‘Bayanihan 3’ sa Kongreso.

Panukala pa ni Cayetano, “wasto” lang din na “katukin” ng bawat Pinoy ang “puso” ng kani-kanilang mga kongresista na tutulan ang “barya” na planong ibigay ng pamahalaan at sa halip ay suportahan ang panukalang ‘P10K Ayuda Bill’ ng BTS.

Noong Pebrero 2021 pa inihain ng grupo ni Cayetano ang panukala ngunit hindi man lamang ito binigyang halaga na talakayin at bigyang atensyon noong dinggin ng kamara ang Bayanihan 3.

Bagkus, isinulong pa ng House Committees on Economic Affairs at Social Services na tig P1K na lamang ang ibigay sa bawat Pilipino— na mistulang estilong ‘Bumbay’ dahil ‘two gives’ pa ang distribusyon, ahahay!

Mahigit P200 bilyon ang kakailanganin na pondo para dito na ayon naman kay Cayetano ay sapat na para mabigyan ng P10K ayuda ang mga pamilyang Pilipino na dumanas ng sobrang kahirapan at kagutuman dahil sa Covid-19.

Ano nga ba ang magagawa ng P1K para sa isang tao? Para lang kasi itong limos kumpara sa P10K ayuda na pwede ng gamitin para sa pag-uumpisa ng maliit na kabuhayan para makabangon ang mga inilugmok ng pandemya.

Kaya tutol ang dating speaker sa P1K ayuda na ito dahil wala nga namang halos epekto ito para sa mga benepisaryo.

Huwag naman nating maliitin ang pagtulong sa ating mga kababayan na mistulang dole out na ang kalalabasan ng ating mga ginagawang hakbang.

Bigyan naman natin ng dignidad ang ating kapwa kahit sa aspeto ng pagbibigay ayuda sa kanila.

At sa pananaw pa ng mga miron, malaki ang “tama” ni Cayetano ng sabihin niya na “hindi limos” ang kailangan ng taumbayan dahil tayo ay nasa ilalim ng extraordinary times’.

Ika nga, extraordinary times need extraordinary measures’ kaya hindi talaga uubra ang P1K na ito. Kumbaga,’ thanks but no thanks’, kaya mismong si Cayetano na ang nanawagan ng tulong sa taumbayan para hindi tuluyang patayin ng kongreso ang P10K Ayuda Bill.

“Ligawan po natin ang ating mga kongresista,” sabi niya. Aniya, pwedeng sumulat ang concerned citizens sa kani-kanilang representante at mga lokal na opisyales na i-endorso ang 10k Ayuda Bill.

Malaki din ang tiwala ng dating speaker na hindi ivi-veto ni Pangulong Duterte ang P10K Ayuda Bill kung ito ay makakalusot sa Kongreso dahil hindi naman maikakaila na mahalaga at malaki ang maitutulong nito sa mga benepisaryo.

Kaya nga dahil sa kawalan ng aksyon ng Kamara sa P10K Ayuda bill inilunsad na mismo ni Cayetano at ng kanyang mga kasamang kongresista noong Mayo Uno, Labor Day ang ‘Sampung Libong Pag-asa’ kung saan mahigit 200 indibidwal ang nabigyan ng P10K ayuda mula sa 13 lugar sa bansa kasama na ang Caloocan, Quezon City, Mandaluyong, Marikina, Taguig, Rizal province, Bulacan, Cavite, Laguna, Batangas, Camarines Sur at Ormoc City.

Ngayong linggo ay namigay si Cayetano at ang kanyang grupo ng P10K ayuda sa 20 indibidwal sa lalawigan ng Batangas.

Maliban pa ito sa halos mahigit tatlumpong katao ang nabigyan ng P10K ayuda nina Cayetano mula ng ihain nila ang panukala sa Kamara.

Ang hakbang ay ginagawa ng grupo para pukawin ang damdamin ng mga kongresista na itaguyod ang P10K Ayuda Bill.

Kaya naman, mga Bosing sa Kongreso, baka puwede naman ninyong aksyunan ang mga panukalang tunay na magbibigay tulong at ginahawa sa ating mga kababayan?

Alam naman naming di ninyo ramdam ang epekto ng pandemya sa inyong mga kabuhayan pero wag rin naman sana ninyong kalimutan na naghihingalo na ang ating ekonomiya dahil sa kawalan ng trabaho at pagkakakitaan dulot ng pandemya.

Abangan!

AUTHOR PROFILE