
P190M ayuda binuhos ni PBBM sa Region 2
ILAGAN, Isabela–Aabot sa P190 milyong ayuda ang ibinuhos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng El Niño sa Region 2 mas kilala bilang Cagayan Valley region.
Sa talumpati ni Pangulong Marcos, sinabi nito na pagtupad ito sa pangako ng gobyerno na aalalayan ang sektor ng agrikultura.
Personal na iniabot ni Pangulong Marcos ang tig-P50 milyong tseke sa mga provincial governments ng Isabela, Cagayan at Nueva Vizcaya; P10 milyon sa provincial government ng Batanes at P30.92 milyon sa provincial government ng Quirino.
Tig-P10,000 naman ang ibinigay na ayuda sa may 5,000 benepisyaryo.
Pangako ni Pangulong Marcos, patataasin ang produksyon ng nga magsasaka sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga infrastructure projects gaya ng irrigation facilities, farm-to-market roads at post-harvest facilities
“Pagtitibayin din namin ang mga paraan upang mas mapataba ang ating mga lupa, maging mas dekalidad ang ating mga ani at mas matalino ang paggamit ng ating yamang tubig,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Nagbigay din ng iba’t-ibang ayuda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pa.
Nagbigay din si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng tig-5 kilo ng bigas sa mga benepisyaryo.