
P1.8M vape products tinangay ng 6 NBI impostors sa Maynila
ANIM na lalaki, kabilang ang isang babae, na nagpakilalang tauhan ng National Bureau of Investigation ang nanlimas ng laman ng isang vape shop sa Tejeron St., Sta Ana, Manila Lunes ng gabi.
Ayon sa sumbong ng mag-asawang may-ari ng “Lets Vape Pare,” aabot sa P1,844,730 ang halaga ng mga ninakaw ng anim na pekeng NBI agents sa kanyang shop.
Sinabi ng mga pulis ng Sta. Ana Police Station 6 na nangyari ang pangho-holdap bandang 6:25 ng gabi noong Lunes.
Naganap ang pangho-holdap nang tutukan ang sales lady ng kanyang shop at sapilitang tangayin ang mga produkto na kinabibilangan ng 400 na “Flava Oxbar” na nagkakahalaga ng P112,000, 2,250 pirasong “Hyper Bar” na nagkakahalaga ng P675,000, 330 ng “Mosmo” na nagkakahalaga ng P89,100, 110 piraso ng “Oxbar Old” na nagkakahalaga ng P30,800, 860 piraso ng “Chillax Neo” na nagkakahalaga ng P240,800, 670 piraso ng “Chillax 6K Plus” na aabot sa P177,550.00, Special Order Juice na nasa P248,400.00 at P21,080 cash.
Matapos isagawa ang panloloob, mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng Toyota Innova at mabilis na tumakas patungong Pedro Gil St., Sta. Ana.