
P1.18B di dokumentadong vape products, iba pang paninda nadiskubre ng BOC sa Valenzuela
NADISKUBRE ng Bureau of Customs (BOC), sa pamamagitan ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), ang mga hindi dokumentadong disposable vapes, vape pods, at iba’t ibang paninda na may kabuuang halagang mahigit P1.18 bilyon sa Valenzuela City.
Sa bisa ng isang Letter of Authority, pinuntahan ng BOC katuwang ang Philippine Coast Guard-Task Force Aduana at mga lokal na awtoridad, ang bodega sa Brgy. Canumay West, Valenzuela City noong Marso 13, 2025 para magsagawa ng inspeksyon.
Dito nadiskubre ang mga hindi dokumentadong produkto na kinabibilangan ng 182,250 unit ng disposable vapes at 80,800 vape pods na may tinatayang kabuuang halaga na P320 milyon, kasama na ang excise taxes.
Bukod sa mga smuggled na vape products, nakita rin sa bodega ang iba pang kontrabandong produkto tulad ng ukay-ukay na damit (used clothing), electronic accessories, pagkaing galing China, disposable syringes, at muwebles para sa opisina.
Ang kabuuang halaga ng mga nadiskubreng paninda ay umaabot sa P1.18 bilyon.
Pansamantalang isinara ng BOC ang naturang bodega habang isinasagawa ang masusing imbentaryo at iba pang legal na hakbang.
Ang may-ari ng mga produkto ay binigyan ng 15 araw upang ipakita ang patunay na binayaran nito ang buwis sa pagpasok ng naturang mga paninda at kung mabibigo ay tuluyan na itong kukumpiskahin ng BOC.
Binigyang-diin ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio na ang operasyon ay patunay ng pinalakas na kampanya ng BOC laban sa smuggling at pagpapatupad ng batas sa customs.
Inulit niya ang matibay na paninindigan ng ahensya na protektahan ang mga lehitimong negosyo at tiyakin na hindi makakapasok sa merkado ang mga ipinagbabawal na produkto.
Binalaan din niya ang mga sangkot sa iligal na kalakalan na haharapin nila ang buong bigat ng batas habang patuloy na pinalalakas ng BOC ang mga hakbang sa pagpapatupad ng batas upang mapangalagaan ang mga hangganan ng bansa.
Pinuri naman ni MICP District Collector Rizalino Torralba ang mabilis na aksyon ng CIIS-MICP at enforcement teams, binibigyang-diin ang kahalagahan ng intelligence-driven operations sa pagpigil sa pagpasok ng iligal na produkto.