GUO

OSG bahala na kay Mayor Guo–SP Chiz

May 23, 2024 PS Jun M. Sarmiento 111 views

IPINASA ng mga senador ang bola ng pag iimbestiga sa opisina ng Solicitor General ukol sa pagka-Pilipino ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

“Sa ganang akin nasa kamay na ito ng OSG sapagkat pwede na nila itong kwestiyunin sa paggamit ng quo warranto kay Mayor Guo,” ani Senate President Francis “Chiz” Escudero

Aminado si Escudero na may rason para mag-alangan sa pagka-Pilipino ni Guo lalo’t paiba-iba ito ng sagot at hindi niya maipaliwanag ang maraming bagay sa kanyang personal na buhay at pagkatao.

Gayunpaman, ipinaliwanag ni Escudero na sa kanyang pananaw bilang abogado, nanatili ang presumption lalo’t nakatakbo naman ito, registered voter at may passport rin.

“Kayat ang burden of proof ay nasa kamay ng nag aakusa. By analogy, he who alleges must prove the same,” ani Escudero.

Ipinagtanggol rin ni Escudero ang Commission on Election na siyang sinisisi kung bakit napayagan tumakbo si Guo. Walang kamay upang pigilan aniya ng Comelec ang tulad ni Mayor Guo sa kaniyang pagtakbo lalo’t kung walang reklamo inihain laban sa kanya.

Ipinaliwanag din ni Escudero na hindi ang pagpapaalis sa POGO ang solusyon kung talagang seryoso ang gobyerno na ipahinto ang sugalan sa buong bansa.

“Kasi sa POGO ang tumataya hindi naman Pilipino. Kung talaga seryoso tayo laban sa gambling siguro dapat lahat na ng uri ng gambling isama natin tulad ng mga casino,” ani Escudero.

Gayunman, naniniwala din si Escudero na hindi tamang deportation lamang ang dapat gawin laban sa mga ito kundi mas mahigpit na parusa tulad ng pagpapakulong para matuldukan ang mga kriminalidad na ginagawa ng mga ito sa loob ng ating bansa.

“Even those other suspects. Dapat silang makulong. Mahina ang deportation. Huwag lang deportation dapat ang mangyari sa mga ito. And hindi citizenship lang ang gamitin sa mga ito.

Dapat sampahan sila ng criminal na kaso. Madalas ang nakakasuhan yung mga pahinante at bodegero. This time dapat makulong sila. And for Mayor Guo, the OSG must determine if it can file a quo warranto petiiton against her,” sabi ni Escudero.

Legal remedy ang quo warranto proceeding upang malaman kung may karapatan ang isang tao na tumakbo sa isang pampublikong serbisyo.

Inayunan din ito ni Sen. Sherwin Gatchalian na siyang unang nag file ng resolusyon upang maimbestigahan si Mayor Guo at ang kanyang POGO sa Tarlac.

Ayon kay Gatchalian, dapat itong tuldukan sapagkat ito pwedeng maging tuntunggan ng mga kagaya ni Mayor Guo na sa umpisa lokal na takbo lamang hanggang umabot sa mataas na posisyon ang hahanggarin para magkaroon ng matinding impluwensiya sa gobyerno gamit ang posisyon sa pamahalaan.