Sunny

Original Viva babies nagsama-sama sa ‘Sunny’

March 25, 2024 Ian F. Fariñas 79 views

Pagkakaibigan, pag-ibig at mga alaala — saksihan ang isang “sunniest” reunion na hatid ng Viva Films: Ang Philippine adaptation ng Korean movie na Sunny, na palabas na sa mga sinehan simula April 10.

Pinagbibidahan ng original Viva babies at mga artista ng bagong henerasyon, ang Sunny ay kwento ng high school friends na muling nagsama-sama para tuparin ang huling habilin ng kanilang kaibigan.

Ang pelikula ay nagsasalitan sa dalawang timeline. Sa kasalukuyang panahon, si Annie (Vina Morales) ay isang maalagang maybahay at ina. Habang binibisita ang nanay sa ospital, bigla niyang makikita si Chona (Angelu de Leon), ang kaibigan noong high school.

Malalaman niya na si Chona ay may terminal cancer at may ilang buwan na lamang na natitira para mabuhay. Sasabihin ni Chona ang kagustuhan na makita at mabuo muli ang kanilang grupo na “Sunny” bago pa may mangyari sa kanya.

Sa flashback naman na 25 taon na ang nakakaraan, makikita si Annie (Heaven Peralejo), isang high school transferee. Tinutukso siya sa pagiging probinsyana hanggang sa makilala niya ang palabang si Chona (Bea Binene).

Kakaibiganin siya ni Chona at ipapakilala sa mga miyembro ng kanyang grupo: Sina Dang (Abby Bautista); Janet (Ashley Diaz); Becky (Heart Ryan); Gwen (Ashtine Olviga); at Sue (Aubrey Caraan) na malamig ang pakikitungo kay Annie.

Sama-sama sila sa mga pagsubok at tagumpay ng high school — mula sa mga kaaway hanggang sa kanilang crushes, sa mga sayawan at kalokohan.

Sa kasalukuyan, mahahanap ni Annie si Dang (Candy Pangilinan), na isa nang life insurance agent; sina Janet at Becky (Tanya Garcia, Katya Santos), na parehong naghihirap ngayon; at si Gwen (Sunshine Dizon) na ibang-iba na ang pagkatao ngayon. Pero hindi pa rin niya mahahanap si Sue (Ana Roces).

Sa patuloy na paghina ng kalusugan ni Chona, magpakita kaya si Sue para makumpleto ang grupo? Paano nila haharapin ang hamon ng pamamaalam sa mahal na kaibigan?

Panoorin kung paano nila ipagdiriwang ang kanilang pagkakaibigan at gagawa ng mga bagong alaala kasama ang isa’t isa… sa huling pagkakataon.

Ang Sunny ay remake ng 2011 Korean movie na may parehong title at naging second highest-grossing Korean film nang taong iyon.

Ang adaptation nito ay idinirek ni Jalz Zarate, na nasa likod din ng isa pang Pinoy version ng Korean movie, ang Spellbound. Si Mel Mendoza-del Rosario naman ang nagsulat ng screenplay.

Nang ilabas ng Viva Films ang official trailer ng Sunny noong Marso 12, napuno ng positibong reaksyon ang comment section. Ang tatlong-minutong preview ay nagbigay ng excitement sa netizens na nagsabing sila ay “looking forward to this adaptation” at nagpahayag din na “the casting is giving.”

Tampok din sa trailer ang official theme song ng pelikula — isang bagong version ng classic hit ng Eraserheads na With a Smile na inawit ni Shanne Dandan.

Sa isang panayam, ibinahagi ni Angelu ang kanyang pagkasabik na makatrabaho ang kanyang “batchmates” sa Viva.

“Nakakatuwa kasi parang lahat ng ’90s babies, pinagsama-sama. Umikot ‘yung Viva ng era na ‘yun, nandoon lahat.”

Sinang-ayunan ito ni Ana, na inalala rin ang naganap sa kanilang look test sa pakikipag-usap niya sa press.

“Nu’ng nagkita-kita kami, para kaming mga batang nagsisigawan,” aniya. “Parang reunion nga, eh. So, parang true to life ‘yung nangyari.”

Abangan ang Sunny sa mga sinehan nationwide simula April 10.

AUTHOR PROFILE