
Ordinansang magkakaloob ng honorarium sa mga mamamahayag, nais ng NPD Director
NAIS ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas na mabigyan ng honorarium ng mga lokal na pamahalaan ang mga miyembro ng media na tumutulong sa kapulisan sa pag-iimbentaryo ng mga nakukumpiskang ilegal na droga sa mga drug bust operation.
Sa ginanap na fellowship night na itinaguyod ni BGen. Gapas na dinaluhan ng mga miyembro ng media sa headquarters ng NPD, sinabi niya na nais niyang tularan ang magandang ginawa ni Eastern Police District (EPD) Director P/BGen. Wilson Asueta na kanyang ka-klase sa akademya, na kumbinsihin ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na magpasa ng Ordinansa na maglalaan ng pondo na magagamit sa pagkakaloob ng honorarium sa mga mamamahayag na katuwang nila sa pagsugpo sa ilegal na droga.
Hindi aniya masama na tularan ang isang magandang programang naumpisahan ng iba at ipinagpa-alam na rin aniya niya ito sa kanyang ka-klase.
Sabi pa ng Heneral, trabaho nila ang pagsasagawa ng operasyon laban sa sa ilegal na droga at trabaho naman din ng mga Tagausig ng Department of Justice at maging mga opisyal ng barangay na tulungan sila sa pag-iimbentaryo, pero hindi ito kabilang sa trabaho ng mga mamamahayag na naatasan lang ng batas sa ilalim ng inamiyendahang R.A. No. 10640 na lumahok sa pag-iimbentaryo..
Kung tutuusin aniya, hindi madali para sa mga miyembro ng media ang lumahok at lumagda sa pag-iimbentaryo ng mga nakumpiskang droga dahil bukod sa gumagastos sila sa pamasahe o gasolina pagpunta sa lugar kung saan naganap ang police operation, malaking abala para sa kanila ang pagharap sa pagdinig at paglilitis sa oras na maisampa sa korte ang usapin.
Hindi rin aniya maikakaila na may panganib din sa buhay ng mga mamamahayag bilang bahagi sa tagumpay ng police operation dahil posibleng isa sila sa mapag-initan ng sindikato ng ilegal na droga sa oras na mahatulan ng hukuman ang kanilang miyembro.
Para sa kaalaman ng marami, bagama’t walang pahintulot ang alinmang publikasyon sa kanilang mga mamamahayag na lumahok sa pag-iimbentaryo sa nakukumpiskang ilegal na droga, karamihan ay hindi naman ito pinagbabawalan bilang serbisyo publiko na bahagi ng mandato ng isang pahayagan.
Bukod dito, isang paraan din ito ng mga mamamahayag na makatulong sa bayan at sabi nga ni Gen. Gapas, ang makikinabang dito ay ang ating mga anak, apo, pati na ang mga susunod na henerasyon.
Sana, magtagumpay si Gen. Gapas sa pagkumbinsi sa mga opisyal ng mga Lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela na magpasa ng Ordinansa para rito bilang tulong na rin sa mga mamamahayag na sinusuong ang panganib sa kanilang buhay para lamang makatulong sa kapulisan at sa bayan.
P/Col. Palmer Tria, hindi yuyuko sa mga pasaway sa kanyang nasasakupan
PUSPUSAN pala ang ginawang kampanya ni Bataan Provincial Director P/Col. Palmer Tria laban sa mga ilegal na aktibidad sa nasasakupang lalawigan upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan dahil sa inaasahang pagdami ng mga pasaway ngayong pasok na ang Ber months.
May inilabas kasing ultimatum sa Police Regional Office 3 Director P/BGen. Jose Hidalgo sa mga provincial police chief na kanyang nasaakupan hinggil sa mahigpit na pagpapatupad ng “one-strike policy” sa mga hepe na mabibigong i-monitor ang mga ilegal na aktibidad na nagaganap sa kanilang nasasakupang lugar.
Kabilang sa mga mino-monitor ngayon ni Col. Tria, bukod sa ilegal na droga, ay ang mga color games at sakla sa mga bayan ng Orani, Limay, Abucay, Samal at Pilar na pawang mga gumagamit lamang ng kani-kanilang alyas ang mga operator upang lituhin ang mga awtoridad.
Lumalakas daw kai ang loob ng mga operator dahil may mga nagpapakilalang tauhan sila ng Regional Special Operation Group (RSOG) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na kayang magbigay ng proteksiyon sa kanila.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]