Default Thumbnail

Opisyal at tauhan ng NPD, lumagda sa Integrity Pledge

March 1, 2023 Edd Reyes 491 views

Edd ReyesUMABOT sa 3,366 na mga tauhan ng Northern Police Distrit (NPD) mula sa 3,268 o 97.08 percent ang tumalima sa paglagda sa “Integrity Pledge” na layuning matiyak ang kanilang pangako na mapanatili ang pinakamataas na antas ng pamumuhay bilang isang serbisyo publiko o kawani ng Pambansang Pulisya.

Nakasaad kasi ito sa umiiral na batas sa ilalim ng R.A.6713 o Code of Cunduct and Ethical Standards for All Public Officials and Employees na ginamit na batayan ng PNP upang ang bawa’t isa’y lumagda sa pangakong mapanatili ang mataas nilang integridad, kaya’t nito lamang Pebrero 10, naglabas ng kautusan si P/BGen. Joker Cuanso, Acting Deputy Inspector General na nag-aatas sa lahat ng mga tauhan ng Pambansang Pulisya sa buong kapuluan na muling lumagda sa kanilang pangako, kasama ang paglalagay ng kanilang thumb mark, sa harap ng isang itinalagang opisyal mula sa Internal Affairs Service (IAS).

Kaya nito lamang Pebrero 16, sinimulan ng pamunuan ng NPD sa pangunguna ni P/BGen. Rogelio Penones, Jr. ang pag-aatas sa lahat ng mga tauhan ng naturang distrito ng pulisya na lumagda sa Integrity Pledge na ginanap sa punong tanggapan ng NPD sa kanto ng Tanigue St. at Dagat-dagatan Avenue sa Caloocan City sa harap ni NPD-IAS District Superintendent P/Col. Joseph Elmer Bullong at kanyang deputy na si P/Capt. Mary Anne Bayan.

Sinundan ito kinabukasan ng paglagda ng lahat ng opisyal, tauhan at kawani ng Caloocan Police Station sa pangunguna ni P/Col. Ruben Lacuesta hanggang sumunod na rin noong Pebrero 21 ang Navotas Police Station sa pangunguna ni P/Col. Allan Umipig, kasama na rin ang mga non-uniformed personnel.

Pebrero 22 naman isinagawa ang paglagda ng lahat ng mga tauhan at kawani ng Valenzuela Police sa pangunguna ni P/Col. Salvador Destura, Jr. habang nanguna naman si P/Col. Amante Daro sa paglagda sa pangako noong Pebrero 23 sa Malabon Police Headquarters na sinaksihan ng batikang mamamahayag na si Ka Maeng Santos ng CAMANAVA Press Corps na kasapi ng District Advisory Council ng NPD-IAS.

Bagama’t iilan lang ang hindi tumalima sa paglagda sa Integrity Pledge, tiniyak ng NPD-IAS na masasampahan sila ng kasong administratibo bunga ng pagpapabaya sa tungkulin sa oras na hindi naging katanggap-tanggap ang hihingin sa kanilang paliwanag.

Paglalagay ng mini-carnival, binutata ng lokal na pamahalaan

NABIGO pala sa hangarin ang isang alyas “Nelma” na makapaglagay ng mini carnival sa Lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM) sa Bulacan dahil hindi pumayag sina Mayor Arthur Robes at asawang si Cong. Florida “Rida” Robes na masalaula ang maganda nilang lungsod.

Eh kasi ba naman, sa malapit pa sa Lourdes Grotto gusto raw magtayo ng peryahan ni alyas Nelma kaya maging si Lt. Col. Ronaldo Lumactod, Jr. ang Acting Chief of Police ng SJDM ay hindi rin pumayag lalu na’t batid niya na naglalagay ng ilegal na mesa ng sugal ang operator ng peryahan.

Isa ang SJDM sa mga tinatarget ngayon ng mga ilegalista dahil mabilis ang pagunlad ng kabuhayan at ekonomiya ng lungsod mula nang maupo bilang mga opisyal ang mag-asawang Mayor Arthur at Rep. Rida Robes.

Ginapang daw ng husto ni alyas Nelma na mabigyan ng permiso ang ilalagay na mini-carnival sa SJDM dahil natapos na ang kanyang kontrata sa Barangay Hugo Perez sa Trece Martirez sa lalawigan ng Cavite pero bigo rin siyang mailipat ang kanyang puwesto.

Kung tutuusin, hindi lang naman si alyas Nelma ang nakapaglagay ng pergalan sa lalawigan ng Cavite dahil nakakuha rin ng puwesto sa Bayan ng Indang ang isang alyas Manny Pandak habang sa Barangay Maderan sa General Mariano Alvarez at sa Bayan ng Noveleta ay patok din ang puwesto nina alyas “Buknoy, Rodel” at Mely”.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE