Default Thumbnail

Online seller, kasabwat laglag sa P1.02M shabu

June 27, 2024 Edd Reyes 49 views

TIMBOG ang bebot na online seller at kanyang kasabwat na e-bike driver sa pagbebenta ng ilegal na droga ng kumagat sa pain ng mga pulis sa Paranaque City noong Miyerkules.

Nasilaw si alyas Marjorie, 40, at alyas Novarico, 27, sa malaking halaga ng shabu na gustong bilin ng buyer kaya pumayag na sa bahay ng online seller sa 6225 Poultry Compound, Brgy. San Dionisio isagawa ang transaksyon dakong alas-5.05 ng hapon.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief P/MGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ilang araw ng tinitiktikan nina P/Maj. Ivan Soriano ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ang aktibidad ng online seller sa utos ni P/Col. Jess Mendez, hepe ng Regional Intelligence Division (RID) ng NCRPO.

Nang tanggapin ni Marjorie ang mga P1,000 markadong salapi kapalit ng 50 gramo ng shabu, pumasok na ang mga pulis ng Southern Police District (SPD) para timbugin sila.

Aabot sa 150 gramo ng shabu ang nakuha sa dalawang suspek na may kabuuang halagang P1.02 milyon, ayon sa mga pulis.

Sinampahan ng kasong pagbebenta at pag-iingat ng malaking bulto ng ilegal na droga sa Paranaque City Prosecutor’s Office ang dalawa at ngayo’y nasa detention facility na ng RDEU sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

AUTHOR PROFILE