
OGIE, NAG-REACT SA KASO NG BAGONG MANAGER NI LIZA
Dahil sa issue ng manager ni Liza Soberano na si Jeffrey Oh na hinuli diumano ng mga awtoridad, marami ang nagsasabi na kay Ogie Diaz ang huling halakhak.
Si Ogie ang dating manager ni Liza na iniwan ng aktres at lumipat sa pangangalaga ng Careless kung saan isa sa mga kasosyo si Jeffrey. Katunayan, siya ang CEO ng kumpanya.
A few days ago, ibinalita ni Cristy Fermin na hinuli si Jeffrey at nanganganib ma-deport dahil wala umanong dokumento na nagsasabing maaari siyang mag-operate ng negosyo sa Pilipinas.
Wala rin daw maipakita si Oh na SEC (Security and Exchange Commission) registration.
Sa vlog ni Ogie, nahingan ang talent manager/vlogger ng komento hinggil sa issue.
“Sa totoo lang, ‘no, ako, naniniwala ako na kapag nag-no comment ako, may masasabi pa rin sila,” ani Ogie.
“Kung totoo man ‘yung balita na ‘yun, sana malampasan niya. Alam mo kahit may nangyari nu’ng issue dati, na na-question pa ako, ‘yung kredibilidad ko, kinuwestiyon kung paano namin inalagaan si Liza noon, mismo ni Mr. Jeffrey Oh.
“Hindi naman para hangarin natin na mapasama siya diyan. Sana malusutan niya, malampasan niya ‘yung kanyang pinagdaraanan ngayon, kung totoo man ‘yun,” pahayag ni Ogie.
Anyway, sa ngayon ay wala pang pahayag si Jeffrey o kahit sino sa Careless tungkol sa issue.
Maging si Liza ay napakatahimik din.