
Obrero naglalagay ng sealant, natodas sa bubong
UTAS na ng matagpuan ang 55-anyos na obrero na akala ng marami’y nagtatapal lang ng sealant sa bubong ng kanilang bahay sa Quezon City noong Miyerkules.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang ala-1:00 ng tanghali nang maganap ang insidente sa tahanan ng biktima sa Brgy. Baesa, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl Errika M Casupanan, bago ang insidente, umakyat sa rooftop ng biktima upang lagyan ng sealant ang umano’y mga butas kanilang bubong.
Makalipas ang ilang minuto, nakita na lang ang biktima na nakahandusay sa bubungan at wala nang buhay.
Inireport ang insidente sa mga awtoridad at nagresponde ang SOCO team mula sa QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni P/Cpt. Darrel Ray Ebol.
Sa pagsusuri wala naman nakitang pinsala sa katawan ang biktima at hinala ng mga awtoridad na posibleng heat stroke ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.