Default Thumbnail

Obrero dedo sa tubo

April 18, 2022 Melnie Ragasa-limena 288 views

DEAD on the spot ang isang 24-anyos na steelman habang malubhang nasugatan ang isa pang kasamahan nang paghahampasin ng tubo ng kanilang katrabaho sa isang construction site sa Quezon City.

Ang biktima ay nakilalang si Eduard Alburo Salazar, 24, binata, steelman, tubong Masbate at residente ng Kabesang Cillo St., Bgy. Tambo, Parañaque City,

Samantala, patuloy pang inoobserbahan sa East Avenue Medical Center ang kasama ng biktima na si John Paul Pacquiao Bangcuang, 19, binata, steelman, tubong Saranggani Province, at residente ng Bgy. Bagacay, Alabel, Saranggani Province.

Agad namang tumakas ang suspek na si Vincent Calarde Camandona, 20, may live-in partner, steelman, tubong Ormoc City, at naninirahan sa Upper Priza, Poblacion, Muntinlupa City.

Batay sa naitalang report sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 5:30 ng madaling araw ng Abril 16, nang maganap ang insidente sa Grand Mesa Residences na matatagpuan sa Pearl St., Bgy. Greater Fairview, Quezon City.

Sa imbestigasyon ni PSSg. Bienvenido Ribaya III ng CIDU, magkakasama sa kumpanyang Adonis Group ang mga biktima at suspek at naka-sub contract sa konstruksiyon ng Grand Mesa Residences kung saan sila naka stay-in.

Mahimbing na umanong natutulog ang mga kasamahan ng mga biktima na sina Hermilo Bague at Ruel Morang nang maalimpungatan dahil sa ingay sa loob ng barracks.

Nang kanilang usisain kung ano ang nangyayari ay nakita nila na pinaghahampas ng suspek ang mga biktima ng tubo dahilan ng agarang pagkamatay ni Salazar habang nagtamo naman ng mga sugat at bali sa katawan si Bangcuang.

Dahil dito ay agad na tinawag nina Bague at Morang ang kanilang mga kasamahan at isinugod sa nasabing ospital si Bangcuang.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa motibo ng pamamaslang habang tinutugis pa ang nakatakas na salarin.