Gapas

NPD chief: Pulis na pumatay sa 2 lalaki masisibak

September 29, 2023 Edd Reyes 291 views

KUMPIYANSA si Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas na masisibak sa serbisyo ang pulis na walang konsensyang pumatay sa dalawang lalaki at nakasugat ng isang babae noong Miyerkules sa Malabon City.

Sa pulong-balitaan sa NPD headquarters Biyernes ng umaga, sinabi ni Gapas na malakas ang kanilang mga ebidensiya at testigo laban sa pulis na walang habas pumatay.

Kabilang sa kanilang testigo ang nabuhay na biktimang si Baby Joy Tadiamon na positibong kumilala sa suspek na si Pat. Zenjo Del Rosario na siyang namaril sa kanila.

Mismong ang hepe ni Del Roario na si P/Lt. Jonas Gato ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang nag-report sa kanilang tanggapan tungkol sa pamamaril ng pulis.

Bukod kay Tadiamon, may hawak pa silang testigo na makakapagpatunay na pumunta si Del Rosario sa bahay ng mga biktima sa Basilio St. Brgy. Acacia noong umaga nang mangyari ang pamamaslang.

Kilala sa nasabing lugar si Del Rosario dahil madalas siyang pumunta sa bahay ng biktimang si Alexis Gutierrez.

Bumati pa ng magandang umaga sa ina ng biktima ang namaril nito bago nito walang habas na barilin ang tatlong biktima.

Ayon sa opisyal, ipinasiya nilang ipahawak ang imbestigasyon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para walang special treatment o white wash ang kaso lalo na’t tauhan nila ang sangkot sa pagpatay.

Nilinaw din ni Gapas na apat na buwan pa lamang natatalaga sa SDEU si Pat. Del Rosario sa loob ng dalawang taon niya sa serbisyo kaya’t nagtataka sila kung bakit nagawa nito ang pumamatay ng ganon-ganon lang.

AUTHOR PROFILE