
Nonoy, Marco at Rey nangakong tuloy ang Hitmakers
Tuloy pa rin ang OPM Hitmakers kahit wala na si Hajji Alejandro. Ito ang sinabi ng isa sa mga miyembro ng grupo na si Nonoy Zuniga.
Ang OPM Hitmakers ay grupo ng OPM icons na kinabibilangan nina Hajji, Nonoy, Marco Sison, Rey Valera at ang yumaong si Rico J. Puno.
As we all know, nauna nang pumanaw si Rico J. due to heart failure noong 2018 at si Hajji naman ay sumakabilang-buhay nitong April 21 dahil sa stage 4 colon cancer.
Kahit tatlo na lamang sila sa grupo, ayon kay Nonoy, gagawin nilang inspirasyon ang mga dating kasamahan para ipagpatuloy ang grupong iniwan ng mga ito.
“We know that in every performance, nandiyan sila. ‘Yung spirit nila, ‘yung energy nila nasa amin. And that inspires us to perform better. Hats off to you, Hajji, we love you and we will miss you,” saad ni Nonoy sa panayam ng ABS-CBN.
Sinabi rin ng OPM legend na napaka-professional ni Hajji noong nabubuhay pa at bagama’t labis nilang ikinalungkot ang pagpanaw ng kasamahan, the show must go on.
“That’s one thing I like about him, he’s a professional. Kahanga-hanga siya as a performer, moreso as an individual. Nakakalungkot, parang ayaw na namin lahat mag-perform, pero as entertainers, the show must go on,” saad ni Nonoy.
Ayon naman kay Marco, huling beses na nakita nila ni Nonoy si Hajji ay nang mag-show sila sa Vigan, Ilocos Sur last February 13.
“We had a really successful show, we were so happy. Nagkaroon pa kami ng midnight snack and then tandang-tanda ko na siya ‘yung unang-unang tumayo papunta sa room niya,” pag-aalala ni Marco.
“The usual, sobrang galing mag-perform. Sumasayaw. Pawis na pawis. Wala kang makikitang trace na may dinadamdam siya or meron siguro pero hindi lang niya pinapahalata,” dagdag niya.
Hindi rin inakala ni Marco na ang sakit ng tiyan ni Hajji na nararamdaman that time ay magiging sanhi ng pagpanaw nito.
“Akala ko naman ordinary sakit lang ng tiyan. He could not drink water, kasi sumasakit daw. A few days narinig ko kailangan na siyang dalhin sa ospital kasi he was dehydrated. ‘Yun na ‘yun, dire-direcho na ‘yun,” aniya.
After that ay hindi na niya nakita pa ulit si Hajji.
“Ang pangit ng feeling, parang in denial ka, it’s a mixture of feelings na ‘hindi naman siguro,’ kasi we know the guy inside and out. Twenty-two years namin kasama ‘yun doing the same things.
Siyempre after Rico Puno, siya yung naging leader namin,” ani Marco.
“Pakonti nga kami nang pakonti, nagkakantsawan kami. Pero siyempre kailangan naming mag-meet ulit para pag-usapan kung sino ang pwede mag-represent sa aming tatlo. Ako, right now, as far as I’m concerned, hindi pa siya nagsi-sink in,” saad pa niya.
Kwento naman ni Nonoy, during the Feb. 13 show ay napansin na nilang bloated si Hajji.
“He’s really bloated, without even eating. Bloated siya talaga. Hirap na hirap siya… He was able to perform pa with us and then we went back after the show, hindi na namin siya nakita, the following day dinala na pala siya sa ospital,” sabi ni Nonoy.
“It was shocking for the three of us. Sabi namin, why you? Sabi ko baka may pag-asa pero that time it was already stage 4 when it was discovered.
“We were shocked at the same time, sad na rin kasi ang tagal naming kasama ‘yang si Hajji. We were already friends even before ‘Hitmakers’ as a group,” pahayag pa ni Nonoy.