MWP Hindi na makaimik ang no. MWP ng MPD Station 11 matapos na maaresto sa pamumuno ni P/Cpt. Fredwin L. Sernio. Kuha ni Jon-Jon Reyes

No. 1 MWP sa Maynila nasakote sa Binondo

July 14, 2022 Jonjon Reyes 618 views

NABITAG ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) kasama ang ilang tauhan ng 4th MFC ng Regional Mobile Force Batallion ng National Capital Regional Office (NCRPO) ang isang no. 1 most wanted person (MWP) sa kasong murder at frustrated murder, Miyerkules ng hapon sa Binondo, Lungsod ng Maynila.

Ang suspek na si alyas “Jimmy” ay residente ng Quintin Paredes St., Binondo, Maynila.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Magno Gallora Jr., commander ng MPD-Meisic Police Station 11, pasado alas-3:30 ng hapon nang maaresto at posasan ng mga kapulisan ang suspek sa panulukan ng Juan Luna at Rentas Sts., sa Binondo.

Dahil na rin sa direktiba ni MPD Director P/Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco na “tugisin” at arestuhin ang mga wanted sa batas, agad na inutos ni Gallora sa kanyang mga tauhan sa pangunguna ni P/Cpt. Fredwin L.Sernio, PCpt. Joselito Delos Reyes na inasistihan ni P/Maj. Ronilo Aquino, hepe ng 4th MFC ng RMFB, at si P/Maj. Ronald De Leon ng Regional Headquarters Police Unit ng Maynila.

Dahil sa isinagawang surveillance ng mga opereatiba sa tinatambayan ng suspek at nakumpirma nila kung saan naispatan ang suspek sa naturang lugar.

Bitbit ang arrest warrant na inisyu ni Presiding Judge Virgilio Valdez Macaraeg ng Regional Trial Court Branch 37 ng Maynila na may petsang Hulyo 12, 2022 para sa kasong paglabag sa Article 248 (Murder) at (Frustrated Murder) in relation to Article 6 of Revised Penal Code as Amended by RA 7659.

Ang suspek ay nasa talaan ng no. 1 na most wanted sa station level at walang inirekomendang piyansa ang korte sa kanyang kaso.

Pinuri naman ni Brig. Gen. Francisco ang grupo ni Gallora at mga kapulisan ng MPD Station 11 sa agarang aksyon sa pagkadakip ng suspek.

AUTHOR PROFILE