Rylan

Ninong Ry, personal choice ni Roselle para sa ‘SRR Extreme’

November 14, 2023 Ian F. Fariñas 745 views

ARTISTA na nga ang sikat na chef/vlogger at content creator na si Ryan Reyes, a.k.a. Ninong Ry. Parte siya ng Mukbang episode ng iconic horror trilogy franchise na Shake, Rattle and Roll Extreme sa papel na malapit sa puso niya, Chef Kino.

Sa grand mediacon ng 60th anniversary offering ng Regal Entertainment, Inc. kahapon, nagulat pa si Ninong Ry nang malaman na handpicked siya ni Roselle Monteverde, anak ng Regal matriarch na si Mother Lily Monteverde.

Apparently, follower si Roselle ng food vlog ng “Ninong ng Bayan” sa YouTube.

“Wala, may nag-e-mail lang. May nag-e-mail lang tapos sabi ko, ‘legit ba ‘to? Totoo ba ‘to?’ Tapos ipinasa ko sa manager ko so ‘andito tayo ngayon.

“Nu’ng una hindi rin ako naniniwala kasi bakit ako? Nananahimik lang naman ako dito sa bahay ano po. Pero, eh, totoo pala kasi ‘andito tayo sa harap ng isa’t isa. And ayun, wala namang pinagsisihan kasi sobrang ganda naman ng experience. Ang dami ko rin talagang natutunan pagdating sa production side, dealing with new people. Hindi, pero maraming, maraming salamat sa pagpili sa amin dito. Sana natuwa kayo sa pagmumukha ko,” panimula niya nang tanungin kung paano siya napili para sa SRRExtreme.

Ikinuwento rin ni Ninong Ry ang kakaibang experience sa first shooting day nila sa Tagaytay under Direk Richard Somes.

Aniya, “First shooting day, sa Tagaytay. Ang layo, kasi taga-Malabon pa kami. Ninety kilometers. Tapos bobo pa ‘yung nagda-drive (sabay turo sa tropa niyang si Ian Ginema na nagde-debut din sa SRRExtreme). Tapos pagdating du’n ang ganda nu’ng place tapos gan’to ba talaga, ang dami nang crew, ganyan. Kasi ako, wala talaga akong idea sa mga nangyayari sa pelikula. Hindi ko talaga alam.

“Tapos binigyan na kami ng, ikaw ‘ata unang nag-shoot? Si Ian ‘ata unang nag-shoot, so na-brief na niya ako, pero sinusubukan kong i-picture sa isip ko talaga, pero pagdating ko du’n, ibang-iba pa rin talaga ‘yung experience. Tapos pagdating du’n sa room, andu’n na ‘yung mga kasama ko. Itong mga ‘to, itong mga gwapong ‘to, kasama ko du’n and siguro ano, swerte na lang din kasi ako, hindi ako mahirap makipag-usap sa mga bagong tao. Kasi I feel like ikaw, kung ganu’n ka, hirap ka makipag-usap sa mga bagong tao, baka ma-awkward-an ka. And siguro bago matapos ‘yung araw magtrotopa na kami, eh. Okay na kami lahat. Tapos ‘yun ‘yung nagpadali lalo ng lahat. Kahit mahaba ‘yung oras, eh, naging kaibigan mo na ‘yung mga kasama mo, eh, mas madali na,” patuloy ng chef/vlogger-turned-actor.

Tailor-made nga raw ang papel ni Chef Kino para kay Ninong Ry. Ito ay ayon mismo kay Direk Richard.

Kaya naman hindi gaanong nahirapan ang showbiz neophyte sa acting debut niya sa big screen.

“Una sa lahat, binigyan niya kami ng freedom na minsan mag-adlib, i-act out ‘yung how we see fit, parang ganu’n. Pero ang talagang nagpadali sa akin nu’ng sinabi ni Direk sa akin na natural lang.

Kasi ‘yang character na ‘yan, si Chef Kino, ginawa ‘yan mula sa ‘yo. Ginawa talaga ‘yan para sa ‘yo. Ikaw ‘yung inspirasyon talaga n’yan. So kung ano ‘yung ginagawa ni Chef Kino, ikaw dapat ‘yon,” sey pa ni Ninong Ry.

Ngayong nakatikim na siya ng talent fee at ng pag-aartista, game siya sakaling may mag-e-mail muli sa kanya para sa isang proyekto.

“Ba’t hindi, ‘di ba? Okay naman, wala namang problema, ‘andito naman ako, eh,” nangingiti pang turan ni Ninong Ry.

Anyway, ang SRR Extreme ang kauna-unahang theatrical release na Regal mula noong Covid-19 pandemic. Karaniwan kasi, straight to platforms ang mga ginagawa nilang pelikula post-pandemic.

Nangako rin si Roselle na sulit ang ibabayad ng manonood dahil extremely loaded ang bagong installment na ito ng classic SRR franchise mula sa star-studded cast at multi-awarded directors (Richard, Jerrold Tarog para sa Glitch episode at Joey de Guzman, Rage).

Bukod kina Ninong Ry at Ian, nasa SRR Extreme cast din sina Iza Calzado, RK Bagatsing, Jane Oineza, Paolo Gumabao, Miggs Cuaderno, Paul Salas, Jane de Leon at marami pang iba.

Magsisimula itong mapanood sa mga sinehan nationwide sa November 29.

AUTHOR PROFILE