Pic

Nilalait na celebrity candidates, ipinagtanggol ng pork barrel scam lawyer

March 19, 2025 Ian F. Fariñas 204 views

NAKAHANAP ng kakampi at “abogado” ang mga artistang nilalait dahil sa pagtakbo sa pulitika sa katauhan ni Atty. Levito Baligod, isang anti-corruption advocate na kumakandidatong kongresista sa Baybay, Leyte ngayong midterm elections.

Ayon kay Baligod, ang tumayong legal counsel ni Benhur Luy sa P10-B pork barrel scam, wala namang nagbabawal sa mga celebrity na pumasok sa political arena.

Paliwanag niya, “Ang requiirement lang kasi ng ating Saligang Batas is you must be a Filipino citizen, able to read and write, ‘no, and you are a resident in a given period in a place where you want to be voted for. Ang pwede lang nating masabi ngayon, ang public service ay isang mabigat na obligasyon, isang mabigat na responsibilidad at kung sa tingin ng kandidato ay kaya niyang bitbitin ang responsibilidad ng isang government official, eh, pupuwede naman, ‘no?

“Sabi nga natin, walang tao na pwedeng sabihin niya ‘ako lang ang nagmamahal sa bayan.’ Anybody and everybody can claim love for country. Anybody and everybody can claim he can do the job,” patuloy niya.

Pero may paalala rin si Atty. Baligod sa mga nangangarap na maging lider ng bansa. Aniya, dapat unahin ng mga ito ang pagiging role model sa mga mamamayan.

Bago ang pagtakbo bilang kongresista ngayong 2025, sumabak na sa senatorial race si Atty. Baligod noong 2016. Ito, aniya, ay dahil sa paanyaya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nang i-tag na “DDS (Diehard Duterte Supporter)” ng isang miyembro ng showbiz press, mariin itong itinanggi ng abogado.

“Hindi po, supporter ako sa ibang mga ideals niya (FPRRD) para sa bansa,” pagtutuwid niya.

Dahil dito, nahingan siya ng reaksyon niya sa isyu ng mga artistang nasasangkot sa bashings dahil sa pro/anti-Duterte postings matapos maaresto ang dating Pangulo.

Ani Atty. Baligod, “Bawat Pilipino naman ay may karapatan na mag-express o magbigay ng kani-kanilang mga damdamin. Pero ang request ko lang, bago sana sila mag-post sa kanilang social media platform, kasi influencer sila, eh, kailangan munang pag-aralan ding mabuti, magbasa muna, at mahirap kasi maki-debate sa isang legal issue na hindi ka naman well-acquainted sa legal principles or legal doctrines.

“So you let the law scholars discuss amongst themselves for the benefit of the general public. Pero okay lang ‘yon, magsabi tayo ng sentimiyento natin. Pero mag-ingat tayo dahil kung influencer ka, meron kang mga maiimpluwensiyahan and responsibilidad mo ‘yan, ‘no? What you put in the minds of others is your responsibility. So isipin nila na may responsibilidad sila and be careful also,” paalala pa ng abogado sa celebrities/influencers.

Bilang congressional candidate, isa sa mga programang isinusulong ni Atty. Baligod ang food security sa kanilang lugar. Plano umano niyang maglagay ng barangay food center sa bawat barrio, kung saan ang barangay officials na rin ang bibili sa produkto ng mga magsasaka.

Hindi umano siya pabor sa ayuda system dahil nakaka-encourage lamang ito ng culture of dependency sa mga nasasakupan.

AUTHOR PROFILE