
NHA, SMC naglunsad ng Better World Smokey Mountain
NAKIISA ang National Housing Authority (NHA), sa pangunguna ni General Manager Joeben Tai, sa San Miguel Corporation (SMC) sa paglulunsad ng Better World Smokey Mountain community center noong Setyembre 29 sa Tondo, Manila.
Apat na palapag na gusali ang Better World Smokey Mountain na gawa sa mga container van at itinayo sa Smokey Mountain Development Reclamation Project (SMDRP) ng NHA.
Sa pamamagitan ng community center na ito, mailalapit sa mga benepisyaryo ng NHA at sa iba pang residente ng Smokey Mountain ang edukasyon, kabuhayan at mga oportunidad sa trabaho at mga serbisyong panlipunan.
Mayroong 39 na silid-aralan, dalawang palaruan, isang karinderya, study nook, dance studio at mga silid para sa computer, arts, music, at pagsasanay ang proyektong ito na siyang mapakikinabangan ng humigit-kumulang sa 3,490 pamilyang benepisyaryo ng NHA SMDRP at iba pang 1,700 residente ng Maynila.
Resulta ng kolaborasyon at pagsisikap ang Better World Smokey Mountain ng NHA, San Miguel Foundation ng SMC at mga non-profit na organisasyon na AHA! Learning Center, Project PEARLS, Sandiwaan Learning Center, Tulay sa Pag-unlad Inc., at Upskills Foundation Inc.
Sa kanyang mensahe, binati ni Tai ang SMC at iba pang katuwang na organisasyon para sa tagumpay ng naturang proyekto at nangakong patuloy na susuportahan ang Better World Smokey Mountain community center.
Dinaluhan din nina Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, SMC President at Chief Executive Officer Ramon Ang, San Miguel Foundation Vice Chairman Cecile Ang, NHA West Sector Officer-in-Charge Daniel Cocjin at mga lider ng non-profit organization-partners ang paglulunsad.