
NGCP natunton ugat ng brownout sa Luzon
ANG di inaasahang pagkawala ng dalawang unit ng isang malaking power plant ang puno’t dulo ng pagkawala ng kuryente sa Luzon noong Mayo 8, 2023, ayon sa inisyal na imbestigasyon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Bagama’t naunang pumiyok ang Bolo-Masinloc 230kV Line 2, ito ay mayroong N-1 contingency na nangangahulugang nag-o-operate ito nang may redundancy. Nang mag-trip ang Line 2, ang load na dala nito ay awtomatikong nailipat sa Line 1.
Alinman sa Line 1 o 2 ay may kakayahang ihatid ang kabuuang load para sa Bolo-Masinloc 230kV facility kahit anong oras.
Dapat umano ay di na naramdaman ng mga konsyumer sa Luzon Grid ang pagpiyok na ito dahilan nga sa agarang pagsalo ng nalalabing linya. Ngunit nagkaroon ng hindi inaasahang pagkawala sa isang generating plant at nagdulot ito ng tuluyang pagkawala ng balanse sa supply at demand kaya naman nangyari ang red alert.
“It should have ended there. Similarly, there was an unexpected and undesired response from a generating plant which tipped the balance of supply and demand, and a red alert was raised,” ayon sa NGCP.
Dagdag pa ng NGCP, bago nangyari ang biglaang pagbitaw ng power plant, nagkaroon na rin ng pagpalya ng mga planta sa Luzon na wala sa napagkasunduang schedule. Ang mga hindi planadong outages ay labag sa Grid Operating and Maintenance Program na pinagkasunduan ng NGCP at power plants at aprubado ng Department of Energy.
Tiniyak ng NGCP na kukumpletuhin ang malalaking transmission projects sa loob ng mga darating na buwan upang mapalakas ang transmission system at mapagbuti ang suporta sa power system.
“Patuloy naming itataguyod ang holistic approach sa power planning. Ang pag-aayos sa lahat ng sector sa power industriya – mula sa power plant, papunta sa transmisyon, at sa distribusyon – ay kinakailangang magkakaugnay, para iisang tono lang ang ating kinakanta, at walang magiging sintunado,” sabi ng NGCP.
“Kailangang nabibigyan ng sapat na atensyon bawat isang sektor para hindi masyadong naghahabol at napupwersa ang buong Sistema,” dagdag ng kumpanya. “Sinusuportahan namin ang Department of Energy sa lahat ng pagsisikap nito, at tiwala kami sa patuloy nitong pag-gabay sa lahat ng sektor,” ayon sa kumpanya.
Tiniyak din ng NGCP sa publiko at sa lahat ng stakeholder na ginagawa nito ang lahat ng kanilang makakaya sa larangan ng transmisyon upang makapagbigay ng solusyon at maiwasan ang kahalintulad na insidente.
“Hiling din lang namin na tumulad ang ibang sektor at sabayan kami sa paghanap ng solusyong pangkalahatan at pangmatagalan,” sabi ng NGCP.