
NGCP dapat 100% Pinoy
SUPORTADO ko si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa panawagan niya na sumosyo ang Maharlika Investment Corp. (MIC) sa energy business ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Malaki ang maitutulong ng MIC – ang tagapamahala ng Philippine sovereign wealth fund—upang mapabuti at mapalakas ang operasyon ng NGCP na siyang franchise holder at transmission service provider sa bansa.
Mas okay pa nga siguro kung bilhin na lang ng MIC ang 40 porsiyento ng NGCP na pagmamay-ari ng State Grid Corporation of China o SGCC .
Ang SGCC ay isang korporasyon na pag-aari naman ng gobyerno ng China – bagay na sa tingin ng mga maka-Pilipino ay nasa likod ng pinakahuling kapalpakan sa NGCP.
May duda kasi na kahit pa 60 porsiyento ang pag-aari ng mga Pilipino sa NGCP, napapaikot ng SGCC ang mga opisyal ng NGCP upang isulong ang interes ng Tsina imbes na kapakanan ng Pilipinas.
Kailan lang ay naalarma ang pamahalaan nang mawalan ng kuryente sa kalawakan ng Western Visayas na lubhang nakaapekto sa turismo, negosyo at serbisyo sa naturang lugar.
Mabilis na sinisi ang umano’y mga ‘unplanned shutdown’ ng power generators ngunit lumalabas na may naging kapabayaan ang NGCP na ayon sa report ay nagmistulang Tsina ang pag-aasta sa pagdipensa ng sarili.
Bakit kamo? Aba e nagmukha raw bastos, arogante, at mayabang itong NGCP sa pagsagot sa ating mga otoridad na tumutuligsa sa pagkawala ng kuryente sa Panay. Inihambing ito sa pagkilos ng Tsina laban sa mga mangingisdang Pilipino sa pinag-aagawang karagatan.
E kung ganyan lang naman, nararapat nga na sipain na lang sa NGCP ang mga dayuhang negosyante at gawin na lang itong 100 percent-Filipino owned corporation.
Hindi lang natin mapapalakas at mapapasaayos ang takbo ng NGCP. Masisiguro pa natin na para sa Pilipino ang negosyo at serbisyo nito.
Higit sa lahat, dahil direktang konektado ang negosyo ng NGCP sa ekonomiya ng ating bansa, masisiguro natin ang seguridad ng ating bayan kung walang mga dayuhan na makikialam at magsisilbing banta sa ating kinabukasan.
Batid ito ni Rafael Consing Jr., ang presidente ng MIC na kailan lang ay nagpahayag din ng suporta sa panawagan ni Speaker Romualdez.
“The National Grid Corporation of the Philippines is the backbone of our nation’s power system, and its stability is inextricably linked to the Philippines’ economic and social well-being. I fully endorse Speaker Martin Romualdez’s proposal for the Maharlika Investment Corporation to strategically invest in NGCP,” ani Consing.
“This move holds immense potential to strengthen our energy sector and pave the way for a brighter future,” dagdag pa ni Consing.
**
For comments, please call or text 09569012811 or email [email protected]