Default Thumbnail

Ngayong Fire Prevention Month siguruhing orig tangke ng LPG

March 7, 2022 People's Tonight 299 views

SA paggunita ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso, pinaalalahanan ni LPGMA Party-list Rep. Allan Ty ang lahat na siguruhing ligtas at hindi peke ang mga LPG tank na gamit sa bahay.

Ayon kay Ty, marami pa ring kumakalat na pekeng tanke ng LPG sa merkado na maaaring pagmulan ng sunog sa mga kabahayan. Kamakailan ay isang residente sa Pasig City ang nakaranas ng biglang pagliyab ng kaniyang LPG habang nagluluto para sa birthday celebration.

“Isinulong natin sa Kongreso ang LPG Industry Regulation Act. Isa na itong batas, at kinakailangang mapatupad ng mga kinauukulan ang mga probisong nakapaloob dito para matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” sinabi ni Ty.

“Kung sa tingin ninyo ay masyadong mura ang bili nyo sa LPG, o kaya ay masyadong magaan ang timbang, pwede ninyo itong isumbong sa mga kinauukulan para malaman kung otorisado talaga ang dealer ninyo,’ dagdag pa ni Ty.

Pinirmahan noong nakaraang taon ni Pangulong Rodrigo Duterte at naging ganap nang batas ang Republic Act 11592 o ang “LPG Industry Regulation Act”. Layon nito na mapalakas ang kapangyarihan ng mga pulis at iba pang ahensiya na mahuli at maparusahan ang mga nagbebenta ng peke at mababang kalidad na LPG.

Samantala, pinaalalahanan naman ng Republic Gas Corporation o Regasco ang mga consumer na tiyakin na tama ang selyo ng mga LPG na binibili at hindi puro kalawang ang basyo. Ito anila ang mga sinyales ng mababang kalidad ng LPG, at bukod sa lugi ang mamimili sa biniling produkto ay maaaring magdulot ito ng pagsabog o pagliyab sa mga tahanan.

AUTHOR PROFILE