NFA Dumalaw si NFA Administrator Larry Lacson sa mga magsasaka sa Davao City upang malaman at maintindihan ang kanilang mga pangangailangan.

NFA tutulong madagdagan kita ng mga magsasaka sa Davao

July 26, 2024 Cory Martinez 386 views

MULING tiniyak ni National Food Authority (NFA) Administrator Larry Lacson sa mga magsasaka sa Davao City na patuloy ang ahensya sa pagpapaigting ng mga postharvest facility upang matulungang madagdagan ang kanilang kita.

Ang paniniyak ay isinagawa ni Lacson sa kanyang pagdalaw sa mga magsasaka sa naturang lungsod na kung saan naka-usap ang mga grupo ng magsasaka upang malaman at maintindihan ang kanilang mga pangangailangan.

Layunin din ng tatlong araw na pagbisita sa naturang lungsod ang pagrepaso sa operasyon ng ahensya at inspeksiyunin ang kanilang mga pasilidad, partikular na ang mga bodega ng bigas.

Tiniyak din ni Lacson na bukod sa pondong P5 bilyon na inilaan para taong ito para sa pag-upgrade ng kanilang mga bodega, maglalaan din ng malaking puhunan para sa mga pagbili ng mga drying at milling equipment upang mapabuti ang operational efficiency at madagdagan ang rice output.

Bukod kay Lacson, kabilang din ang mga kinatawan ng NFA Council mula sa National Economic and Development Authority, Department of Finance, Department Social Work and Development, Department of Trade and Industry, Land Bank of the Philippines, at Bangko Sentral ng Pilipinas, sa naturang dayalogo at pag-inspeksyon sa mga bodega.

Paliwanag pa ng opisyal na nakatuon ang ahensya sa pagpapabuti ng kanilang operasyon, pagbili pa ng maraming palay at competitive prices upang matulungan ang mga magsasaka na madagdagan ang kanilang kita.

“Future investments of the NFA will be geared towards postharvest. For this year, we have P5 billion to retrofit or construct warehouses. Next year, we’ll bring in the dryers and milling facilities. Hopefully, these can be completed within two years,” ani Lacson.

Samantala, sinabi naman ni NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon, sa kanilang pagbisita sa naturang lungsod, nagkaroon ng pagkakataon ang mga miyembro ng NFA Council na mas mapag-aaralan nilang mabuti ang kanilang mga desisyon para sa pagbabalangkas ng mga polisiya para sa ikabubuti ng mga magsasaka.

“This was very useful because it gave us an idea of how it is happening on the ground, what the concerns of the farmers are, and also to see the current state of NFA facilities,” ani Edillon.

Nagpasalamat naman ang mga magsasaka sa pangunguna ni Mario Tiburcio, pangulo ng Davao del Sur Provincial Farmers Action Council sa NFA Council sa pagbibigay ng pagkakataon na maka-dayalogo sila.

AUTHOR PROFILE