Tulfo

NFA officials gigisahin sa Senado — Tulfo

March 11, 2024 PS Jun M. Sarmiento 87 views

PANLULUMO at galit ang namutawi kay Sen. Raffy Tulfo kung saan ay inihayag nito sa isang privilege speech, March 11, 2024, ang itinuturing na pagmamalabis ng ilang opisyales ng National Food Authority (NFA) dahil sa masalimuot at kaduda-dudang negosasyon sa 150,000 bags ng NFA rice na diumano’y ibenenta sa mga pribadong traders ng walang approval ng NFA council.

“This is not the mandate of the NFA. Una, ayon sa Rice Tariffication Act ang NFA ay taga-maintain ng buffer stock ng bigas para sa bayan at hindi pwede magbenta sa mga traders. And instead of selling to accredited market outlets or government agencies like the DSWD, Philippine National Red Cross, NDRRMC, LGUs, BJMP, among others, binenta sa mababang presyo ang NFA stock sa mga private traders at P25 per kilo only. Under this circumstance, talo po ang gobyerno at ang taong bayan ng humigit kumulang na P112 million,” paglalahad ni Tulfo.

Kinastigo rin ni Tulfo ang mga nasabing opisyales ng NFA sa patuloy na maanomalyang transaction na ito na nagaganap umano sa mahabang panahon na at naging kalakaran na rin ang ganitong uri ng pamamalakad kung saan ay sila lamang ang may ganansya at talong talo ang taumbayan.

“Ang ganitong kalakaran ay matagal na. Sabi ni Jayson Cainglet, Executive Director ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG, ang korapsyon sa NFA ay isang open secret. Pero gulat na gulat ang mga taga agriculture sector dahil ang mga opisyal ngayon ng NFA ay nagiging mapusok at lantaran sa kanilang mga illegal na gawain. Noon may bidding at auction pa, ngayon wala na.

At pumipili na sila ng mga traders na gusto nilang biyayaan,” pagbubulgar ni Tulfo.

Inamin ni Tulfo na sobrang pagkadismaya ang kanyang naramdaman lalo pa aniya at napakaraming Pilipino ang humihingi at naglulumuhod sa pamahalaan na gawan ng paraan na bumaba ang kilo ng bigas sa merkado upang magkasya ang kanilang budget samantalang nagpapasasa naman ang mga NFA opisyales na ito gamit ang ganitong modus operandi ng nasabing NFA Mafia.

Napag alaman na mismong ang Senate Committee on Agriculture ang mangunguna sa imbestigasyon upang malaman kung ano pa ang mga ginawang sabwatan at maniobra ng mga NFA opisyales para pagkakitaan nila ang nasabing ahensiya ng gobyerno.

“Kasi gaya ng bawat Pilipino, tatlong beses sa isang araw ako kumakain ng kanin. But rice is not just food to us, we value and respect it as a form of nourishment. Tinanim ito sa ating isipan ng ating mga magulang. Sino sa atin ang di napagalitan ng nanay natin tuwing hindi nauubos ang kanin sa plato? Kada butil mahalaga. Ang nangyayari po sa NFA ngayon ay pag-aksaya ng napakahalagang bigas na sana ay nakalaan para sa mga nangangailangan nating mga kababayan. Ito ay nasasayang lamang kasi nagagamit ito para sa korapsyon. Itong mga inatasan natin na mangalaga ng kaban ng bigas ay ang siyang nagnanakaw o nagpupuslit nito at binebenta sa mga traders para sila ay kumita, ” lahad ni Tulfo na nagsabi rin na may mga pribadong trader o mangangalakal ang kasabwat sa kanilang pandaraya.

Matatandaan na sa kasalukuyan ay tinatalakay na rin ito sa Mababang Kapulungan sa umano’y masalimuot na pagbebenta ng milled rice na nakaimbak sa warehouse ng ahensiya at ibenebenta sa halagang P25 per kilo ng walang bidding at hindi dumaan sa tamang proseso. Mismong ang Ombudsman ang nagbigay ng preventive suspension sa mga diumanoy nasasangkot sa nasabing masalimuot na transaksyon ng mga opisyales na ito ng NFA.