Binay1 Makati Mayor Abby Binay

NCR MAYORS TODO SUPORTA KAY ABBY BINAY

April 27, 2025 Ryan Ponce Pacpaco 160 views

NAKUHA ng senatorial candidate na si Makati Mayor Abby Binay ang suporta ng mga alkalde sa National Capital Region (NCR).

Sinuportahan nina Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar at Caloocan City Mayor Dale Gonzalo Malapitan noong Sabado ang kandidatura ni Binay sa pagka-senador.

Nauna rito ay nagpahayag din ng suporta kay Binay sina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano at San Juan City Mayor Francis Zamora.

Sabay na itinaas nina Aguilar at Vice Mayor April Aguilar ang mga kamay ni Binay bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa kanyang kandidatura sa pagka-senador, kasunod ng isang motorcade ng Team Aguilar sa Las Piñas City noong Sabado.

Dumalo rin si Binay sa District 2 Caloocan grand rally ng Team Aksyon at Malasakit sa Caloocan City kung saan siya pormal na inendorso ni Malapitan sa harap ng kanyang mga kaalyado at mga kababayan.

Nagpasalamat si Binay sa kanyang kapuwa Metro mayors sa kanilang suporta sa kanyang senatorial bid, at nangakong itataguyod ang pagpapatupad ng mga programa ng Makati sa larangan ng kalusugan, edukasyon at social welfare sa pambansang antas.

“Nais kong matamasa ng bawat mamamayang Pilipino sa buong bansa ang mga benepisyong natatanggap ng mga taga-Makati,” sabi ni Binay.

Kabilang sa mga prayoridad ni Binay ang pagbibigay ng libreng maintenance medicines, pagpapalakas ng early childhood education simula sa day care, at pagbibigay ng tax exemption sa overtime pay at bonuses ng mga manggagawa upang mapataas ang kanilang take-home pay.

Tiniyak din ni Binay sa kanyang kapuwa local chief executives ang kanyang matatag na paninindigan na maging tinig ng mga local government unit (LGU) sa Senado.

Nangako rin si Binay na isusulong ang pagpasa ng bagong Local Government Code na tunay na magpapalakas sa mga LGU sa buong bansa bilang mga tagapagtaguyod ng sustainable development at inklusibong pag-unlad.

AUTHOR PROFILE