Padilla ALIVE AND WELL–Si Mayor Ricardo Padilla at ang nawawalang dalagita.

Nawawalang dalagita sa Angeles City natagpuang buhay

August 21, 2023 Steve A. Gosuico 312 views

BONGABON, Nueva Ecija–Natagpuang buhay ang isang 16-anyos na dalagita sa Angeles City noong Agosto 18 limang araw makalipas itong mawala, ayon sa pulisya.

Sinabi ni Major Christopher Baluyot, hepe ng pulisya ng bayang ito, na natagpuan si Aimee Loreen Murillo matapos iutos ni Mayor Ricardo I. Padilla ang puspusang paghahanap sa dalagita.

Nauna nang naglabas ng advisory ang Nueva Ecija police sa media tungkol sa nawawalang dalagita, na huling nakita sa Metrogate Angeles City noong Agosto 13, 2023.

Ayon sa FB post ng Boom na Boom Bongabon, natagpuan na si Aimee at muling nakasama ang kanyang mga mahal sa buhay matapos dalhin sa munisipyo para iharap sa alkalde.

Natagpuan ang nawawalang babae sa pamamagitan ng iba’t ibang post na ibinahagi ng mga netizens na nagtulak naman kay Mayor Padilla na iutos ang walang humpay na paghahanap dito.

Bilang ama ng Bongabon, sinabi ni Mayor Padilla, na tutol siya mismo sa ginawa ng dalaga kaya pinangaralan niya ito na huwag maging pasaway, mahalin ang kanyang magulang at maging mabuting anak.

AUTHOR PROFILE