
Nasirang navigation gate sa Navotas pina-aayos na ni PBBM
PINAMAMADALI ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pag-aayos sa nasirang navigation gate sa Navotas City.
Nasira ang navigation gate dahil sa pananalasa ng Bagyong Carina at habagat dahilan para malubog sa matinding baha ang Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA ) area.
Utos ni Pangulong Marcos kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na simulan ang pag-aayos at rehabilitasyon.
“Anong remedyo d’yan? Paano ba natin puwedeng harangin man lang or is there something we can do? At least as an emergency measure and then we can go back and repair it properly,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“I know the design. Yeah, that’s why we’ll just have to figure out something, I don’t know what it will be but we have to figure out something. Magpatulong din tayo sa AFP (Armed Forces of the Philippines) kasi mayroon silang mga pang… how do you call this? Iyong mga instant na kapag may nasira, mayroon silang kapalit kaagad eh baka magamit natin,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Sinabi naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) acting chairman Romando Artes na nakipag-usap na rin ang kanilang hanay sa CAMANAVA local officials at DPWH para sa repair.
“May schedule na po na ma-repair iyon within one month. Ang concern na lang po ay habang nire-repair po siya naka-open po iyong floodgate. So tuluy-tuloy po iyong pagpasok ng tubig. Even po ‘pag walang bagyo, magkakaroon po ng pagbaha sa limang barangay sa Malabon at tatlo po sa Navotas,” sabi ni Artes kay Pangulong Marcos.