Paul Gutierez

Nasayang na sakripisyo at pagod ng magulang

February 27, 2024 Paul M. Gutierrez 78 views

NANGHIHINAYANG at nalukungkot tayo para sa mga magulang ng isang ‘lady lawyer’ na miyembro ng NPA na kabilang sa mga napaslang sa engkwentro sa mga tropa ng gobyerno nito lamang Biyernes sa Bohol.

Hindi biro magpaaral ng abogasya dahil pawis at dugo ang puhunan. At natitiyak natin na walang pagsidlan sa tuwa ang mga magulang ni Hanna Jay Cesista alias “Maya/Lean,” nang pumasa ito sa Bar noong 2022.

Ang masakit nito, inagaw ang kanilang anak ng maling prinsipyo at paniniwala, nang sumapi ito sa rebeldeng grupo na ang tanging iniisip ay ang kanilang baluktot at maling paniniwala.

Naniniwala tayo na hindi alam ng mga magulang ni Hannah Jay na sumapi ito sa rebeldeng grupo, dahil walang magulang na igagapang ang kanilang anak, manapa’y maging abogado, para lamang sumapi sa isang organisasyon na walang malinaw na layunin at patutunguhan.

Matagal na natin sinasabi na walang mabuting maidudulot ang pagsapi sa mga ganitong kilusan. Nilalason ng mga ito ang isipan, partikular ng mga kabataan na kanilang nagogoyo, na hantungan ay pagkasira ng buhay – at pinaka-masaklap pa ay kamatayan!

Paulit-ulit din natin sinasabi na walang patutunguhan ang baluktot na ipinaglalaban ng NPA, partikular sa armadong pakikidigma. Anu ang magiging laban ng mga rebelde sa ating militar at kapulisan, na dumaan sa masusing pagsasanay.

Si Hannah Jay ay pumasa sa Bar Exams noong 2022, at sinasabing sumapi sa NPA noon pang 2020. Kasapi siya ng NPA Bohol Party Committee-Defunct, Komiteng Rehiyon-Negros, Cebu, Bohol, Siquijor (BPC [D] KR-NCBS). Isa si Hannah Jay sa limang miyembro ng NPA na napaslang sa naturang engkwentro.

Nakalulungkot na ang sana’y magiging mahusay na abogado, ay nagwakas lamang ang buhay sa walang kwentang pakikibaka, dahil nagoyo at nabilog ang utak ng mga walang puso na ang tanging iniisip ay ang baluktot na prinsipyo.

Sa isang pahayag, sinabi ni Lt. Gen. Benedict Arevalo, ang commander ng Viscom, “We are deeply saddened by the loss of Hannah Jay. She could have been a good practicing lawyer if not for the deception of the CPP-NPA. We express our heartfelt condolences to her family and loved ones. The CPP-NPA is indeed a menace and a mindless predator who preys on young minds in our country.”

Umapela rin si Arevalo sa publiko na suportahan ang gobyerno na tuldukan na ang recruitment na ginagawa ng CPP-NPA partikular sa mga kabataan.

“The threat of CPP-NPA’s destructive recruitment of our youth is real. The terrorist group cares for nothing and will value nothing, not even the welfare of their members. They will just use our children as a sacrificial lamb to foster their hideous agenda,” dagdag pa ni Arevalo.

Kaya kaisa tayo ng ating pamahalaan sa panawagan na magbalik-loob na ang mga natitira pang miyembro ng NPA, dahil walang magandang bukas ang nag-aantay sa inyong maling paniniwala.

May mga programang nakahanda ang gobyerno sa inyong pagbabalik-loob. At uulitin natin, hindi hahayaan ng gobyerno na magtagumpay ang inyong huwad na paniniwala.

AUTHOR PROFILE