Default Thumbnail

NANINDIGAN

June 21, 2024 People's Tonight 120 views

NANINDIGAN si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na wala itong koneksyon sa anumang Philippine offshore gaming operator (POGO) sa bansa kaya maling tawagin itong “conspirator” nang walang matibay na ebidensya.

Ang pahayag ay ginawa ni Guo bilang reaksyon sa kasong Anti-Trafficking in Persons na isinampa laban sa kanya sa Department of Justice (DOJ) ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).v

Giit ni Guo, ang pagkakaroon lamang ng koneksyon sa mga kumpanya o indibidwal ay hindi sapat na batayan upang tawagin ang isang tao na kasabwat.

Inihayag ng alkalde na ang mga ganitong akusasyon ay kailangang masuportahan ng sapat na ebidensya.

“Ang pagiging conspirator ay may legal na batayan sa ating batas. Ang pagkakaroon ng koneksyon sa mga kumpanya o indibidwal, lalo na kung hindi malinaw, ay hindi sapat upang iugnay ang isang tao sa kaso, partikular na sa kaso ng human trafficking,” sabi ni Guo.

Binanggit niya na wala siyang anumang kaugnayan o pakikibahagi sa Zunn Yuan Technology, Inc. o anumang POGO sa bansa.

Kahit na hindi pa natatanggap ang kopya ng pormal na reklamo, nananatiling kumpiyansa si Guo na walang sapat na ebidensya na mag-uugnay sa kanya sa mga paratang.

“Kung may ebidensya ay dapat noong maaga pa at nakasuhan na ako,” paliwanag ni Guo.

Nanawagan si Guo na masusi munang imbestigahan ang mga kaso bago maglabas ng anumang pahayag sa publiko.

“Dapat na manaig ang prinsipyo ng ‘innocent until proven guilty’,” dagdag pa niya.

Handa si Guo na sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya, at naninindigan sa kanyang pangako na ipagtanggol ang katarungan at transparency sa mga proseso.

AUTHOR PROFILE