
Nang-trip sa tomaan swak sa rehas
SWAK sa rehas na bakal ang isang 52-anyos na obrero matapos timbugin ng mga tauhan ng Adtriatico Police Community Precinct ng Manila Police District-Malate Police Station 9 nang mang trip sa inuman sa Maginhawa St. malapit sa Quirino Avenue, Barangay 707, Malate, Maynila noong Linggo.
Nahaharap sa kasong Grave Threat at Possession of Bladed Weapon (in relation to Omnibus Election Code) ang suspek na si alyas Hener, ng Leveriza St. ,Malate, Manila.
Desididong maghain ng reklamo ang complainant na si Joseph, 42 anyos, ng Jacobo St., Malate, Manila.
Batay sa ulat ni Police Captain Demie Baquiran, PCP Commander ng Adriatico, bandang alas-9:40 ng gabi habang nakikipag inuman si Joseph sa kanyang mga kaibigan biglang sumulpot si Henry at tinangka siyang suntukin pero naawat ng isang kapitbahay.
Umuwi ang suspek at nang magbalik, armado na ng patalim at pinagtangkaang sasaksakin ang biktima
Hanggang sa rumesponde na sina Captain Baquiran kasama ang ilan niyang tauhan kaya nasawata ang gulo at pinosasan na ang suspek.