
Nanay ni Dennis napaiyak sa kasal ni Claudia
Burado na ngayon ang maaanghang na pahayag ni Dennis Padilla hinggil sa kasal ng sarili niyang anak na si Claudia Barretto kahapon, April 8.
Ikinasal si Claudia sa long-time boyfriend na si Basti Lorenzo na dinaluhan ni Dennis, pati ng kanyang kapatid na si Gene Padilla at ng kanilang ina.
Sa mga video na naglabasan sa TikTok ay makikitang hindi si Dennis ang naghatid kay Claudia sa altar.
May video ring lumabas kung saan ay makikita sina Dennis, Claudia at Basti sa altar pagkatapos ng kasal at kinamayan pa ng father of the bride ang kanyang son-in-law.
Pagkatapos ng kasal, habang ginaganap ang reception ay naglabas ng hinaing si Dennis sa Instagram. Dismayado ang aktor na naging ‘visitor’ lang siya sa kasal ng anak gayung siya ang “father of the bride.”
“GRABE KAYO!! NABUDOL NYO AKO! FATHER OF THE BRIDE NAGING VISITOR! GALING NYO!” ang pahayag ni Dennis.
“Sagad sa buto,” saad pa niya.
Ang caption niya sa kanyang post, “Finish” with a broken heart emoji.
Sa ngayon ay burado na ang post na ito ng aktor pero marami na rin ang nakakita nito at nakunan pa ng screenshot.
Ngayong umaga (Wednesday) ay nagkomento naman si Dennis sa isang post ni Julia sa IG.
“Kapal nyo,” ang komento ng komedyante na ngayon ay deleted na rin.
Naglabas din ng sama ng loob si Gene. Ipinost niya ang larawan nila ni Dennis kasama ang kanilang ina sa simbahan kung saan ginanap ang kasal.
Ayon kay Gene, maaga pa lang ay nasa simbahan na sila pero wala man lang nagsabi sa kanila na hindi parte ng entourage si Dennis bilang father of the bride.
“Ngayon lang po ako magsasalita… by 1PM nasa church na po ako… galing bulacan going to alabang… si mama po namin 5am gumising na excited same kay kuya dennis padilla para sa kasal ng anak niya… ngayon lang ako nakawitness ng kasal na di part ng program ang ama ng bride…
“Sa aga namin dun… na nandun mga event organizer wala man lang nagsabi na di siya part ng program… di kasama sa entourage na maglalakad sa gitna papuntang harapan ng altar…,” pahayag ni Gene.
“Nagtanong kami kung san uupo ang nanay namin ang sabi kahit saan dun at yung ama dun na lang DAW sa tumabi sa mga ninong… kaya kami ni kuya dennis pumunta na lamang sa likuran…,” patuloy niya.
Dahil dito ay napaiyak na raw ang kanyang kuya kaya nagyaya na siyang umuwi.
“Napaluha at napaiyak si kuya sa mga nangyari… kaya sabi ko umuwi na tayo after ng simbahan at papicture na lang sa kinasal… naawa din ako sa nanay ko kasi naiyak na rin…,” aniya.
Ayon kay Gene, labis siyang nasaktan para sa kanyang kapatid.
“Naramdaman ko yung sakit na naramdaman ng kapatid at nanay ko dahil ama din ako…” saad niya.
Kasunod nito ay pinangaralan at pinagalitan niya ang mga anak ni Dennis kay Marjorie Barretto.
“Ang tagal na panahon na nanunuyo at nahingi ng atensyon ama niyo sa inyo mga anak… yan ba itinanim ng mga nakapaligid sa inyo… Puro kayo karangyaan at kasikatan… sa inyo na lahat yan… sanay kami sa hirap at di talaga kami nababagay sa inyo… pero pinag kaiba natin yung puso namin at dignidad di niyo kaya pantayan… kahit magtanong kayo sa ibang magulang tama ba o mali ang ginawa niyo sa tatay niyo???” ang paninita ni Gene sa mga pamangkin.
“Dennis Dominguez Padilla Cheeni Taa Samuel Baldivia di pala father of the BRIDE! Guest of the BRIDE!!!” pagtatapos pa ni Gene na halatang masama talaga ang loob.
Sa ngayon ay wala pang pahayag ang kampo ni Marjorie at ng kanyang mga anak tungkol dito. Bukas ang People’s Tonight para sa kanilang panig.