Lazatin Angeles City Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr. Source: Angeles City Information Office FB

Namaril sa Angeles pananagutin ni Lazatin

March 15, 2024 Jonjon Reyes 305 views

NANGAKO si Angeles City Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr. na pananagutin nito ang nasa likod ng mga pamamaril sa Angeles City, Pampanga, na ikinasugat ng ilang residente.

Kinondena ni Lazatin ang pamamaril sa mga residente nitong nakaraang Marso12, sa Sitio Balubad, Barangay Anunas, Angeles City, kung saan anim ang nasugatan.

Batay sa ulat, nag-ugat umano ang madugong kaganapan bunsod na din ng matagal nang alitan sa pagitan ng mga residente sa nasabing lugar at isang demolition team dahil sa pinagtatalunang lupain.

Nagsimula umano ang planong demolisyon sa nabanggit na lugar noong Oktubre 2023 ngunit hindi umano ito natuloy dahil sa pagharang ng mga residente ng Sitio Balubad.

Noong Pebrero 8, 2024, nagsagawa umano ng sorpresang demolisyon na nagresulta ng mainit na komprontasyon nito sa mga residente sa nasabing lugar.

Ayon sa mga testimonya ng mga saksi, ang mga security guard ay nagpaputok umano ng baril patungo sa mga residente habang itinatayo nilang muli ang kanilang mga pader, na nagresulta sa mga pagkakasugat ng mga ito.

Matapos ang relief at medical mission ng Angeles Local Government Unit (LGU) sa pangunguna ni Lazatin, nasaksihan ng mga residente ang umano’y pagpapaputok ng baril

Walang naiulat na napinsala sa nasabing insidente.

Dahil dito, nakipagpulong si Mayor Lazatin sa mga opisyal ng Balubad Homeowners Association kung saan tiniyak nito sa mga residente ng lugar na sisikapin ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Angeles na maisaayos ang mga pinagtatalunang lupa.

“Walang bibitaw, hindi ako bibitaw, hindi ko kayo iiwan,” ani Lazatin.

AUTHOR PROFILE