
Nahuling kawatan sa Navotas, wanted pala sa kasong murder sa Malabon
NAWALAN ng pag-asang makapaglagak ng piyansa para sa pansamantalang paglaya ang 43-anyos na lalaking naaresto sa kasong pagnanakaw makaraang matuklasan na kabilang siya sa mga wanted na personalidad sa Malabon City na pinaghahanap ng batas.
Unang nadakip ng mga tauhan ng Navotas police si Brian Gallerie, walang trabaho at residente ng Blk 39, Lot 44, Phase 2, Area 2, Brgy. Dagat-Dagatan, Navotas, Linggo ng hapon matapos masangkot sa kaso ng pagnanakaw sa naturang lungsod.
Habang nakapiit sa Custodial Facility ng Navotas Police Station, nagpahanap ng piyansador sa kanyang kaanak si Gallerie upang makapaglagak piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Gayunman, nang suriin ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section sa pangunguna ni P/CMSgt. Ronnie Garan kung may iba pang nakabimbing kaso ang suspek, dito na natuklasan kabilang pala siya sa Most Wanted Person na pinaghahanap ng mga tauhan ng Malabon police.
Dakong alas 4:10 ng hapon nitong Lunes, isinilbi nina Sgt. Garan, kasama sina P/SSgt. Joseph Serevilla at P/Cpl. Ronelio Julaton, ang warrant of arrest na inilabas ng hukuman laban kay Gallerie sa mismong custodial facility ng punong himpilan ng Navotas police.
Napagalaman na inilabas ang warrant of arrest laban sa akusado ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Maria Cristina Cornejo ng Branch 150 dahil sa kasong murder.
Ayon kay Navotas police chief P/Col. Allan Umipig, mananatili sa kanilang kostudiya si Gallerie habang hinihintay ang ilalabas na kautusan ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail dahil walang piyansang inirekomenda ang korte para sa pansamantala niyang paglaya.