Default Thumbnail

Nagmukhang ‘hao-shiao’ si Sen. Pacquiao

July 2, 2021 Paul M. Gutierrez 409 views

PaulNAGING mainit ngayon ang palitan sa pagitan ng kampo ni Senator Manny Pacquio at Presidente Duterte matapos banatan ng korapsiyon ang gobyerno. Hinamon tuloy ni Pang. Rody ang ‘Pambansang Kamao’ na patunayan ang mga ito.

Kaya naman mukhang nagdiriwang ang oposisyon sa pag-aakalang nagkakaroon umano ng “lamat” sa PDP-Laban.

Subalit nilinaw ni DOE Secretary Alfonso Cusi at PDP-Laban vice chairman kahapon sa ating Report to the Nation media forum ng National Press Club, na isa lamang itong proseso na kailangang harapin upang maging mas matatag ang partido.

Dahil mukhang ang dating sa atin, walang presidente ngayon ang PDP-Laban dahil wala umanong basbas ng partido ang pagiging acting president ni Sen. Pacquiao.

Ibig sabihin, mukhang hao-shiao lumalabas ang pagka-presidente niya sa partido, araguy!

Alam natin na naging mainit din ang palitan ng salita nila Sen. Pacquiao at Sec. Cusi.

Sinabihan ni Sen. Pacquiao si Sec. Cusi na lumipat na lang ito ng partido kung ayaw nitong sumunod. Ang problema, mukhang ang hugot nitong si Sec. Cusi ay walang ‘K’ itong si Sen. Pacquiao dahil wala pa umanong basbas ang kaniyang pagiging presidente.

Ayon pa kay Sec. Cusi, nagtalaga pa o lumikha pa si Sen. Pacquiao ng mga posisyon sa PDP-Laban na wala umano sa kapangyarihan ng isang acting president.

Matatandaan na nag-resign si Sen. Koko Pimentel bilang presidente ng PDP-Laban, at nag-assume si Sen. Pacquio bilang pangulo.

Ayon kay Sec. Cusi, may kakulangan sa pag-uusap kaya naman minabuti na magkaroon na umano ng national council meeting para maayos ito.

Pero ayon naman kay Sen. Pacquiao, “iligal” umano ang asembleyang ito. Ano ba talaga, kuya? “Natatakot” ba si Pacquiao na hindi kumpirmahin ng partido ang “ipinasa” lang naman sa kanya na “korona” ni Sen. Koko at ganap siyang maging “hao-shiao” na lider ng PDP-Laban?

Ang balita pa natin ay may matuturuan umano ng leksiyon sa gagawing council meeting na ito. Sa ganang atin mga kababayan, hindi kaya bumalik kay Sen. Pacquiao ang kaniyang mga naging pahayag laban kay Sec. Cusi? Ano sa tingin ninyo mga kabayan?

Mukhang talagang may kailangang pag-usapan ang PDP-Laban dahil talagang nagiging malaki ang gusot dito at hindi ito nagiging maganda sa tingin ng publiko.

Pero sa tingin natin ay normal ang ganitong mga nangyayari tuwing malapit na ang eleksiyon. Hindi maiiwasan na may lumilipat talaga ng bakod. Ang tanong na lang ay kung sino o sinu-sino?

Nakikita natin na paghahanda na rin ito sa darating na eleksiyon ngayong 2022. Nagiging maugong umano sa loob ng partido ang pagnanais ni Sen. Pacquiao na tumakbo bilang presidente.

Habang nagpahayag naman ang Pangulong Duterte ang kaniyang desisyon na tumakbo bilang bise-presidente. Ayon kay Sec. Cusi, si Pangulong Duterte ang mamimili kung sino ang gusto niyang maging ka-tandem.

At ngayong “maanghang” na rin ang palitan ng salita ni Pres. Rody at Pacman, saan “dadamputin” ang kanyang ambisyon?

Ang tanong kasi, pipiliin ba ni Pang. Rody si Sen. Pacquiao?

Sa ngayon, wala pa ring standard bearer ang PDP-Laban. Pero mukhang hindi si Sen. Pacquiao ang llamado.

‘Yan ang masaklap!

Abangan!

AUTHOR PROFILE