Huli

Nag-amok, nanindak, namaril laglag sa shabu, boga, bala

June 28, 2024 Edd Reyes 45 views

EvidenceLAGLAG sa kamay ng mga pulis ang 25-anyos na nanindak at nanigaw ng mga taong naglalakad habang nagwawasiwas ng baril noong Huwebes sa Paranaque City na nakuhanan pa ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P20,000.

Pinaputukan pa ng kalibre .38 revolver ng suspek na si alyas Errol ang mga tauhan ng Paranaque police Sto. Niño sub-station bago siya nahuli ng dambahin ng mga pulis.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, nagpapatrolya sa Brgy. Sto. Niño ang mga tauhan ni Paranaque police chief P/Col. Melvin Montante nang makatanggap ng reklamo dakong alas-5:50 hinggil sa pag-aamok ng suspek sa Santos Compound.

Inabutan pa ng mga pulis na naghahamon at naninigaw pa ang suspek sa mga dumadaan at nang lapitan, kinuha pa nito ang baril sa bag at pinaputukan ang mga pulis pero hindi tinamaan.

Doon na siya dinamba ng mga nakalapit na pulis at kinumpiska ang revolver na may tatlong bala at tatlong basyo sa chamber.

Nang halughugin ang bag ng suspek, nakuha ang coin purse na may lamang anim na bala ng kalibre .38 at tatlong gramo ng shabu na may kabuuang halagang P20,400.

Isasailalim sa drug test ang suspek na posibleng bangag sa droga nang mag-amok, ayon sa mga pulis.

AUTHOR PROFILE