
Nadine, pamatay ang pagganap sa ‘Roadkillers’
MATAPOS ang award-winning performance sa 2022 Metro Manila Film Festival entry na Deleter, isa na namang pamatay na pagganap ang handog ni Nadine Lustre sa suspense-action-thriller series na Roadkillers.
Sa pagkakataong ito, worldwide mapapanood si Nadine dahil ipapalabas ang nasabing four-part series sa Viva One sa mahigit 70 countries at territories simula March 1.
Sa maaksyong serye na idinirek ni Rae Red, ginagampanan ni Nadine ang papel ni Stacey Sunico, isang mapagmahal na anak.
Dadapuan ng malubhang sakit ang tatay niyang si Nato (Bodjie Pascua). Para mabigyang-pansin ito sa ospital, makakagawa si Stacey ng krimen pero gayunpaman, babawian pa rin ng buhay si Nato.
Ngayon, kailangang tuparin ni Stacey ang huling hiling ng ama – ang mailibing sa tabi ng yumaong asawa, ang nanay ni Stacey.
Magagawang itakas ni Stacey ang mga labi ni Nato pero may makakaalam sa ginawa niyang krimen sa ospital at nanakawin pa ang labi ng kanyang ama.
Imbes na magluksa, matutuon ang pansin ni Stacey sa mas marami pang malagim na pangyayari.
Ayon kay Direk Rae (Gawad Urian Best Director para sa Babae at Baril), matagal na niyang gustong gumawa ng proyektong iikot sa kotse.
Sa wakas, natupad na nga ito sa Roadkillers.
Si Direk Rae rin ang sumulat ng script, katuwang ni Pam Miras, na nagsimula sa pagiging isang pelikula hanggang sa maging serye na may apat na episodes. Tinitiyak ng lady director na puno ito ng mga habulan at fight scenes na magbibigay ng adrenaline rush sa audience.
Samantala, mula sa success ng Safe Skies, Archer, mapapanood na naman sa Viva One si Jerome Ponce bilang si Marco, isang misteryosong karakter na siguradong magpapaganda sa ikot ng kwento ng Roadkillers.
Si Nato naman ay ginagampanan nga ng veteran actor na si Bodjie. Nagmamay-ari siya ng talyer kung saan tuturuan niya si Stacey ng tungkol sa mga sasakyan. Dati ring kanang-kamay ng mayor si Nato bago sila nagkaroon ng alitan.
Si Francis Magundayao ay gumaganap bilang si Jairus, nagtatrabaho para kay Nato. Parang kapatid na siya ni Stacey. Dahil dito, malapit rin siya sa panganib.
Ang Roadkillers ay produksyon ng Studio Viva at isinalarawan ito ni Nadine bilang “very gritty and not for the faint of heart.”