Rape Ang police investigator habang isinisilbi ang warrant of arrest sa ‘rape’ suspek.

MWP sa ‘rape’ timbog sa Tanauan

June 10, 2023 Jojo C. Magsombol 583 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas – Nasakote ng Batangas PNP (Philippine National Police) ang “most wanted person” (MWP) na construction worker sa kasong “rape” sa regional level bandang 10:50 ng umaga, Huwebes Hunyo 8, 2023, sa isang agresibong manhunt operation sa Tanauan City, Batangas.

Sa report ni Batangas police director P/Col. Rainerio M. De Chavez kay PRO (Police Regional Office) Calabarzon (Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) Regional Director PBGen. Carlito M. Gaces, ang akusado ay nakilalang isang 39-anyos na obrero, nakatira sa Tanauan City at dinakip sa bisa ng warrant of arrest sa nasabing kaso na inilabas noong Mayo 30, 2023 ng Regional Trial Court, Branch 6 ng Tanauan City, Batangas na walang inirekomendang piyansa.

Ayon sa police record, ang suspek ay kinasuhan ng panggagahasa umano sa kanyang stepdaughter noong Marso 20, 2023 sa nabanggit na siyudad.

Ang naarestong akusado ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Tanauan City Police Station (CPS) habang inabisuhan ang korteng pinagmulan ng arrest warrant.

Ayon kay De Chavez, “Ang Batangas PNP ay magpapatuloy sa pagsagawa ng operasyon at hindi kami titigil hangga’t ‘di namin nahuhuli ang mga most wanted upang mapanagot sa batas para mabigyan ng hustisya ang mga biktima.”

AUTHOR PROFILE