
MPD naghigpit sa mga checkpoint sa Maynila
Pinangunahan ni Manila Police District director PBG Leo M. Francisco ang pagsasagawa ng enhanced community quarantine (ECQ) COVID-19 checkpoint sa mga boundary sa Lungsod ng Maynila, katulong nito ang kanyang mga station commander at ang Highway Patrol Group.
Ayon kay Francisco, naghihigpit at hinahanapan ng authorized person outside residence (APOR) ang mga motorista at mga mananakay kung sakaling sila ay papasok sa Lungsod ng Maynila, at dapat ay laging nakasuot ng facemask at may mga dalang face shield at alcohol ang mga ito.
Kabilang sa mga lugar na babantayan ng mga pulis ay ang kahabaan ng Road 10 sa Tondo na manggagaling sa Malabon at Navotas, R.Papa, Abad Santos at Rizal Avenue, na manggagaling naman ng Caloocan at Monumento, Espanya Blvd., Welcome Rotonda na mangagaling din ng Quezon City.
Gayun din ang Sta. Ana na magmumula naman sa Mandaluyong at Pasig, maging ang RM Blvd. Sta Mesa sa San Juan at Marikina, South Super Highway na galing naman sa mga probinsya tulad ng Laguna at Batangas, maging ang Roxas Blvd. na boundary naman ng Pasay, Makati na galing ng Cavite.
Muling nanawagan si Francisco sa mga motorista at mga mamamayan na maging mahinahon at makipag tulungan ng maayos sa mga katanungan ng mga pulis kapag sila ay pinara at tanungin kaugnay sa kanilang mga trabaho sa loob ng nasabing lungsod.
Maaaring ipakita ang kanilang mga ID na mula sa Inter-Agency Task Force o kung sila ay APOR, upang maging mapayapa at maayos ang pagsasagawa ng checkpoint.
Umaasa din si Francisco na magiging matagumpay ang gagawing checkpoint sa mga boundary sa Lungsod ng Maynila, habang nasa ilalim ng ECQ ang buong National Capital Region mula Agosto 6 hanggang 20.
Patuloy din ang pagbabantay ng mga kapulisan laban sa mga kriminal kahit na nasa ECQ ang lungsod. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES