Default Thumbnail

Motorsiklong 2 taong nawawala, nakita sa tapat ng bgy hall

June 26, 2023 Jonjon Reyes 251 views

NATAGPUAN sa wakas ang isang tinangay na motorsiklo ng isang kahera ng isang restaurant matapos ang halos dalawang taon sa mismong harapan ng isang barangay hall sa Tondo, Maynila.

Narekober nitong Linggo, Hunyo 25, ang nasabing sasakyan sa harapan ng bgy. hall sa Barangay 93 sa Tondo.

Nauna rito, isang kahera ng Taiwanese cuisine restaurant sa sa panulukan ng Moriones at Franco Streets, Bgy. 64, Tondo, ang nawalan ng isang Yamaha Mio na kulay ube, dalawang taon na ang nakakaraan matapos i-blotter ito sa Manila Police District (MPD) Pritil Police Community Precinct (PCP).

Ayon kay Police Major Geo Colibao, hepe ng nasabing PCP, bandang 11:30 ng gabi, nang maispatan ng kanyang tauhan ang nakaparadang motorsiklo sa naturang lugar.

Dahil dito, agad na inutos ni P/Lt. Col. Wilfredo Fabros, station commander ng MPD Station 1, na magsagawa ng manhunt operation sa suspek na nakakalaya pa lamang, 29-anyos, binata, tambay na nakatira rin sa Tondo, matapos sampahan ng kaso noong Setyembre 23, 2021.

Lubos naman ang pasasalamat ng biktima sa mga kapulisan ng MPD-Pritil PCP sa pagkakabawi ng kanyang motorsiklo.

AUTHOR PROFILE