
Most wanted sa Calabarzon timbog noong Biyernes Santo
CAMP VICENTE LIM— Sa isang matagumpay na operasyon ng mga awtoridad, kalaboso ngayong Biyernes Santo ang isang Most Wanted Person sa rehiyon ng Calabarzon. Nakikilala ang suspek bilang si Julius, na nahaharap sa kasong statutory rape matapos umanong gawaan ng kahalayan ang kanyang 13-taong gulang na pinsang buo.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang pagkakaaresto sa suspek ay resulta ng pinagsamang pwersa ng Regional Intelligence Division IV-A, Carmona Police Station at Regional Mobile Force Battalion Calabarzon (RMFB) sa pangunguna ng team leader na si PEMS Paquito Chan jr.,
Ang operasyon ay isinagawa sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Niven Redillas Canlapan, ng Regional Trial Court, Branch 109, Carmona Cavite, laban sa suspek dahil sa iba’t ibang kaso, kabilang ang statutory rape.
Kinilala ng pulisya ang suspek bilang miyembro ng kilalang SPUTNIK Gang at may mga kasong robbery, theft, at pambabato ng pillbox sa Marikina at Probinsya ng Rizal.
Pinangunahan ni PLt.Jayson Semacas ang team ng RID sa ilalim ng superbisyon ni Col. Agusto M. Asuncion, habang ang team naman sa RMFB 4A sa ilalim ng superbisyon ni Force Commander PCol. Samson B. Belmonte ang nakahuli sa suspek matapos ang matiyagang surveillance.
Sa pagtutulungan ng mga awtoridad, patunayang kahit sa mga mahahalagang araw tulad ng Biyernes Santo ay patuloy ang pagtupad sa tungkulin upang mapanatili ang kaayusan at seguridad ng publiko.
“Hindi hadlang ang Mahal na Araw upang magtrabaho ang pulis dahil sa bagong Pilipinas ang gusto ng pulis ay ligtas ang mamamayan,”
pahayag ni PRO 4A Regional Director PBGEN.Kenneth Lucas.
Ang pagkakaaresto sa suspek ay isang malaking hakbang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Patuloy ang mga awtoridad sa kanilang mandato na protektahan at paglingkuran ang publiko. Ni Roy C. Tomandao